Nauuso yata ang sibakan sa puwesto.
Noon lamang nakalipas na Huwebes, halos sabay na lumabas ang istoryang pagkasibak sa puwesto ng chief ng Task Force Tugis na si Senior Supt. Conrad Capa na humuli kay Delfin Lee at sa dalawang deputy directors ng NBI na sina Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala.
Una si Capa, na ayon sa pamunuan ng PNP ang pagkaalis nito sa puwesto at paglipat sa kanya bilang bagong pinuno ng Deputy Directorate for Operations sa PRO 7 sa Cebu ay isang promosyon.
Hindi ito pinaniwalaan ni Capa na matapos ngang ianunsyo ang pagkaalis niya sa TF Tugis ay agad na nagsalita sa media at ipinaramdam ang kanyang pagkadismaya.
Labis umano siyang nasaktan sa biglaang pagsipa sa kanya, ito ay sa kabila na malaking isda ang kanilang nahuli dahil ibinibilang si Delfin Lee sa top 5 most wanted ng PNP. Hindi nga ba’t may reward pang P2-M sa kanyang pagkakadakip.
Dismayado si Capa sa nangyari, at ngayon lamang medyo napahinuhod at tinanggap ang bagong posisyong pinaglipatan sa kanya.
Wala namang siyang magagawa hindi ba?
Marami ang naniniwalaang napolitika ito dahil may report na ito umano ang tumawag kay Vice president Jejomar Binay tungkol sa pagtawag ni Oriental Mindoro Gov. Alfonso Umali sa PNP at umano’y inaabor si Lee.
Huwebes din na sabay na alisin sa puwesto sina Esmeralda at Lasala bilang deputy directors naman ng NBI.
Kinabukasan lumutang din ang dalawa sa media at sinabing handa silang magsiwalat sa Senate Blue Ribbon Committee sakaling ipatawag sila kaugnay sa Napoles case.
Mukhang palaban na rin ang mga ito na tutukuyin umano nila kung sino ang mga sinasabing kasalukuyan at dating opisyal ng ahensya na siyang tunay na nakausap ng itinuturong utak sa pork barrel scam na si Janet Lim Napoles noong bago desisyunan ang kaso ng huli sa serious illegal detention sa DOJ.
Tulad ni Capa, masama rin ang loob ng dalawa.
Napolitika rin kaya sila?
Ang masakit pa rito walang malinaw na dahilan na ibinibigay sa pag-alis sa kanila sa puwesto, kaya sumabog ang mga opisyal na ito.
Kaabang-abang naman kung ano ang sinasabi nilang pasabog at kung sinu-sino ang tatamaan nito.
Hindi maglalaon magkakaalaman dahil sa mga pagbubunyag..
Hindi tuloy maiwasang itanong ng iba, kailan daw kaya ang sibakan sa gabinete . Meron o wala?
Sana po meron.