Pagsasapribado sa gov’t hospital, itigil!

DEHADO ang mga mahihirap na mamamayan kapag na­ngailangan ng serbisyong medical dahil sa planong pagsasa­pribado ng Dr. Fabella Hospital, San Lazaro Hospital at Jose Reyes Memorial Medical Center na karaniwang takbuhan na ng mga mahihirap na pasyente.

Bagamat nililinaw ng Department of Health (DOH) na kontrolado pa rin daw nila ang mga hospital na ito at ipapa­ngasiwa lamang sa pribadong sector para maiangat ang mga pasilidad nito. Ayon sa DOH, mayroon naman daw nakalaang bahagi ng mga hospital na isasapribado ang nakalaan para sa mga mahihirap na pasyente kaya hindi raw dapat mangamba ang publiko.

Pero hindi masisisi ang publiko na mangamba sa mga hakbang na ito ng gobyerno dahil noon pa man ay laging kabaliktaran ang nangyayari kumpara sa pangako ng gobyerno ng kaginhawahan sa mamamayan hinggil sa pagsasapribado sa pag-aari ng pamahalaan. Napakaraming magagandang pangako ang gobyerno sa mga pagsasapribado pero ang lahat ay kabaliktaran ang nangyari.

Ilan sa mga ito ay ang EPIRA law na magpapababa raw sa singil sa kuryente pero lalong tumaas. Ang Oil Deregulation Law na nagbenta sa Petron Corp. na sa halip magkaroon ng kompetisyon upang bumaba ang presyo ng langis ay lumilitaw na tila nagsasabwatan lang umano ang mga ito.

Mahirap paniwalaan na papabor sa nakararaming mahihirap na mamamayan ang pagsasapribado sa mga ospital ng gobyerno. Alam natin na kapag ang pribadong negosyante ang humawak ay nangingibabaw dito ay ang kita ng kanilang negosyo.

Umaasa tayo na may mga sector na lalaban sa pagsasapribado ng mga government hospitals at ihahain ang reklamo sa Korte Suprema upang maprotektahan naman ang mamamayan. Tungkulin ng gobyerno na maibigay ang pangunahing serbisyo tulad ng medical at edukasyon kaya marapat lang na huwag ipasa ang responsibilidad sa pribado.

Mahirap paniwalaan na walang sapat na pondo ang gobyerno para mai-upgrade ang government hospitals. Lantad na sa publiko ang bilyong pisong naaksaya sa pork barrel fund ng mga mamba­batas at ang bilyong savings o Disbursement Acceleration Program (DAP) na maaari namang ipampondo sa mga ospital na nanganga­ilangan ng dagdag na fund.

Magbantay ang lahat sa pagsasapribado at hindi puwedeng tumunganga na lang. Asahan natin na kapag marami ang tumutol dito ay pakikinggan naman ng President Aquino.

 

Show comments