‘Iniwang nag-iisa’

ILANG ulit man tayong maputulan ng pising hinahawakan, konting lingon lang sa iyong tagiliran siguradong may iba kang maaaring makapitan.

“Ang inilagay kong guardian ay ang anak kong si Ryan kaso namatay naman. Paano siya makakapagreport sa SSS?” hinaing ni Mely. Hirap man sa pagbiyahe pinilit ni Milagros “Mely” Samilin, 54 taong gulang, nakatira sa Urdaneta, Pangasinan na ayusin ang problema sa kanyang pensiyon sa Social Security System (SSS). Ika-8 ng Oktubre 2010 nang mamatay ang kanyang asawang si Froilan. Nalaman lamang nila na may bukol ito sa ‘urinary bladder’ nang mahulog ito sa puno ng mangga habang nagpuputol ng sanga noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. “Sabi sa akin ng doctor cancerous na daw yun at kailangan namin siyang ipa-CT Scan,” kwento ni Mely. Sinubukan nilang kumuha ng schedule sa Baguio General Hospital kung kailan susuriin si Froilan ngunit napakaraming pasyente ang nakapila doon. Hindi umano kakayanin ng katawan ni Froilan ang sumailalim sa ‘Chemotherapy’ dahil mahina na ito. “Siya na rin mismo ang umayaw dahil nahihirapan daw siya sa pabalik-balik na biyahe. Nagpahinga na lang siya sa bahay namin,” salaysay ni Mely. Lumipas ang ilang buwan napansin nilang masyadong madilaw ang ihi ni Froilan na parang kung anong likido ang lumalabas. Hinala nina Mely galing iyon sa bukol. Dinala nila sa ospital si Froilan ngunit iginiit ng mga doctor na kailangang ipa-CT Scan ang kanyang asawa.  “Sinabihan ko siya na magpalakas muna siya sa ospital na yun bago namin siya dalhin sa malaki-laking ospital na kompleto ang kagamitan,” ayon kay Mely.

Ilang araw lang ang nakalipas namatay na si Froilan. Matapos ang libing agad nang inasikaso nina Mely ang benepisyong makukuha ng kanyang asawa sa SSS. Dalawamput limang taon itong nagtrabaho bilang ‘line man’ sa Panelco Electric Cooperative. Nabigyan sila ng Php20,000.00 na burial benefits at hinintay na lang nila ang pensiyon sa darating na buwan. Hindi pa man nila nakukuha ang tseke na nagkakahalaga ng Php5,476.65 ay inatake naman noong Nobyembre 9, 2010 si Mely. “Dun ko na ginawang guardian si Ryan. Nung makuha namin ang tseke dinala nila ako sa bangko para mag-thumb mark dahil hindi ako makapirma,” wika ni Mely. Setyembre 2012 nang hindi na nakatanggap ng pensiyon si Mely. Pinapuntahan niya kay Ryan ang SSS Urdaneta upang alamin ang dahilan ng pagkakatigil nito. Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) daw ang naging problema kaya hindi nakukuha ni Mely ang kanyang pensiyon.

“Kinompleto kaagad ni Ryan ang mga dokumentong hiningi sa kanya. Ipinasa niya yun sa SSS. Nung bumalik siya sabi sa amin maghintay hintay lang daw kami,” salaysay ni Mely. Habang naghihintay nagtrabaho muna sa Maynila si Ryan upang masuportahan ang inang may sakit. Ilang araw pa lamang ito sa trabaho ay lumiban na si Ryan. Kwento ng kanyang tiyahin na si Susan habang nagkikipagkwentuhan umano ito sa kanilang sala ay bigla na lamang itong nahulog at nanginig na parang may epilepsy.

“Dinala namin siya sa ospital dahil wala naman  siyang iniindang sakit. Pagkarating namin dun tinanong siya kung umiinom at naninigarilyo siya sabi niya oo. Nagtanong din ang doktor kung nagdu-drugs siya hindi naman daw,” salaysay ni Susan. Nagpunta sila sa ‘neurologist’ upang ipasuri ito at binigyan ito ng gamot pampakalma. Mula nun nagsunud-sunod na ang atake ni Ryan hanggang sa kung ano-ano na umano ang nakikita nito’t sinasabi. “Andiyan daw ang papa niya sinusundo na siya. Paulit-ulit siyang ganun kaya binalik na namin siya sa ospital. Dun inamin niya na nagdu-drugs siya pero minsan lang daw,” ayon kay Susan. Napagpasyahan na nina Susan na dalhin sa Mental Hospital si Ryan dahil lumalala na ang kalagayan at inaasal. Madalas na kung sumigaw at nababahala siya na baka dumating ang panahon na hindi na nila ito maaawat. Madalas nilang dinadalaw sa mental hospital si Ryan at hindi daw ito gaanong kumakain kaya nangayayat ng husto.  Enero 29, 2014…namatay si Ryan. Ayon sa kanyang ‘death certificate’ Sepsis umano ang ikinamatay nito. Ito’y isang impeksiyon sa dugo o sa ‘tissues’ ng katawan. Nang mamatay si Ryan lalong hindi nila makuha ang pensiyon ni Mely dahil hinahanap ng mga taga SSS ang tagapangalaga niya (guardian) niya.

“Patay na ang anak ko kaya pinipilit kong lakarin na ito. Mabuti na lang at kahit papaano ay bumubuti na ang katawan ko. Siya lang ang bumubuhay sa akin. Kailangan ko ang pensiyon para makabili ako ng gamot ko pang maintenance. Isang taon at limang buwan na akong walang natatanggap,” pahayag ni Mely. Ilang ulit silang nagbalik sa SSS Urdaneta ngunit wala umanong nangyayari sa kanilang paglapit. Ito ang dahilan kung bakit sila nagsadya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Mely. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mabuti sigurong dalhin ninyo ang ‘death certificate’ ni Ryan upang patunayan na talagang siya’y wala na at kayo na ang kukuha ng inyong pensiyon. Sa pagkuha naman ng burial benefits sa pagkamatay ni Ryan, magandang alamin muna ninyo kung sino ang nilagay niyang benepisyaryo para malakad na ang mga papeles.

Ugaliin niyo ring magreport kada taon sa SSS upang maiwasan na maulit ang ganitong problema. Nakipag-ugnayan kami sa SSS Main Office kay Ms. Lilibeth Suralbo upang malaman kung ano ang dahilan ng pagtigil ng pensiyon ni Mely. Nangako naman si Ms. Suralbo na tatawagan niya ang SSS Urdaneta upang alamin ang buong detalye dahil hindi lumalabas sa kanilang talaan ang ilang transaksiyon na naganap doon. Nang muli namin siyang makausap, sinabi sa amin ni Ms. Suralbo na ang anak niyang si Charmaine ang dapat mag-file ng burial claims. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Show comments