Sawa vs. buwaya talo ang buwaya, nilulon nang buo!
HINDI pala uubra ang bangis ng buwaya sa sawa. Isang sawa ang nasaksihang nilululon ang isang buong buwaya pagkatapos nilang magbuno sa Lake Moondarra sa Queensland, Australia.
Nasaksihan ni Tiffany Corlis, isang manunulat at nakatira malapit sa lawa, ang kakaibang pangyayari. Ayon sa kanya, kumakain siya ng agahan nang tawagin siya ng ilang namamangka tungkol sa kakaibang pangyayari na nagaganap sa lawa.
Dali-dali siyang pumunta at nakita ang isang sawa na 10 talampakan ang haba at isang buwaya na tatlong talampakan ang haba na nagbubuno sa gitna ng lawa. Nakita ni Corlis na lingkis ng sawa ang buwaya at nagpupumilit makaalpas.
Pagkatapos ng limang oras na paglalaban, namatay ang buwaya dahil sa paglingkis. Nang masigurong patay na ang buwaya, hinila ito ng sawa sa pampang ng lawa. Sinimulan itong lulunin nang buo. Inuna ang mukha ng buwaya hanggang buntot.
Bagama’t may kalakihan ang buwaya, umabot lamang ng 15 minuto ang paglulon ng sawa.
Nabundat ang sawa sa laki ng kinaing sawa. Pagkatapos niyon ay umalis na ang sawa at hindi alam ng mga residente kung saan nagpunta. Dali-dali rin silang nag-alisan palayo sa lawa dahil sa takot na sila naman ang mapagbalingan ng sawa.
- Latest