MALAPIT nang manganak ang gurong si Erica Nigrelli, taga-Texas. Noong hapon ng Pebrero 2013, habang nagtuturo, bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo. Kasunod ay inatake siya ng seizure at biglang nangisay saka bumula ang bibig.
Kaagad na nakatawag ang kanyang mga kasamahang guro sa 911. Dinala siya sa hospital. Subalit pagdating sa hospital, wala na siyang pulso. Tumigil na ang tibok ng puso ni Erica.
Agad nagpasya ang mga doktor na magsagawa ng emergency caesarean section para mailigtas ang sanggol na nasa sinapupunan ni Erica.
Sa kabutihang palad, ligtas na nailuwal ang bata na pinangalanang Elayna.
Subalit ang labis na nakapagtataka, bigla ring bumalik ang pagtibok ng puso ni Erica pagkatapos mailabas ang sanggol.
Napag-alaman ng mga doktor na mayroon palang sakit sa puso si Erica na hindi na-diagnose at atake sa puso ang kanyang naranasang seizure. Kinailangan namang ilagay sa intensive care unit si Elayna pagkatapos ng kanyang delivery ngunit wala namang nakitang problema ang mga doktor sa sanggol.
Nagkita ang mag-ina makaraan ang tatlong linggo pagkatapos ng kagila-gilalas na panganganak ni Erica.