EDITORYAL - Kaso ay nadidismis dahil sa kawalang ingat ng pulis
ANG Philippine National Police (PNP) na mismo ang nagreport na 90 percent ng mga kasong nasa hukuman ay nadidismis dahil sa negligence ng mga police investigator. Ayon pa sa PNP, karamihan ay kaso ukol sa illegal drugs ang nadidismis ng korte. Napapawalang sala umano ang mga sinakdal dahil sa lapses at negligence ng mga nag-imbestigang pulis.
Mabuti at sa PNP na rin nanggaling ang report ukol sa kawalang ingat ng mga pulis na nag-iimbestiga. Mapipilitan na silang magsagawa ng pagbabago para mapagbuti ang pag-iimbestiga at hindi mabubutasan ng kanilang inarestong criminal. Siguro’y dapat sumailalim sa masusing training ang mga pulis para hindi magkaroon ng mga lapses.
Imagine, paano kung ang mga napapawalang sala ay mga drug trafficker. Hindi matatapos ang problema sa illegal na droga sa bansang ito kung mapapawalang-sala ang mga drug traffickers. Lagi nang sasakmalin ng takot ang mamamayan dahil laganap ang illegal drugs. At ang ugat ng pagdami ng mga ito ay dahil sa kawalang-ingat ng mga pulis.
Marami nang pangyayari na nadismis ang kaso ng mga criminal dahil lamang sa kapabayaan ng mga nag-imbestiga. Halimbawa na lamang ay ang nangyaring pagpapa-blotter kay TV host-actor Vhong Navarro. Maraming pagkakamali ang Taguig police sa pangyayari. Dahil sa pagkakamali, nasibak ang mga pulis sa station na pinagdalhan kay Navarro.
Hindi na nakapagtataka na maraming kaso ang hindi malulutas dahil sa kapabayaan ng mga pulis. Isang malaking hamon ito sa hepe ng PNP. Isailalim sa pagsasanay ang mga pulis. Bago tumanggap ng mga bagong pulis, idaan sila sa matinding trai-ning ng pag-iimbestiga. Sayang lang ang hirap at pagod sa pag-aresto sa mga criminal na sa huli ay madidismis lang ng korte. Tatawanan lang kayo ng mga criminal.
- Latest