Uok (75)

“NANGYARI ang pag-akyat ng magnana-kaw mga ilang araw makaraang may sumunod sa aking lalaki noong lumabas ako sa school. Mabuti at kasama ko na rito sa bahay si Manang kaya malakas ang loob ko.

“Nagising ako nang may marinig na nagbubukas ng steel cabinet sa kuwarto nina daddy at mommy. Yung cabinet ay maingay kapag hinihila kaya narinig ko. Ginising ko si Manang. Sabi ko, may nagbubukas ng cabinet sa kuwarto nina Daddy. Sabi ko, tumawag siya sa telepono at i-dial ang 117. Ginawa niya. Ako naman ay dahan-dahang nagtungo sa kuwarto nina Daddy. Pero bago ako nagtungo roon, dinampot ko ang rattan na ginagamit ko sa PE noon. Pang-arnis. Magagamit ko iyon sakali at atakehin ako. Marunong din naman akong pumalo ng arnis. Nilakasan ko ang loob. Hindi ako dapat maunahan ng takot.

“Nang malapit na ako sa pinto ng room, bigla kong sinipa. Bumukas! Nasa akto nang hinahalungkat ang cabinet. Pero dahil madilim, hindi makita ang mga alahas ko. Nasa pinaka-dulo kasi iyon at nakalagay sa isang antigong kahon na gawa sa narra. Hindi niya nakuha.

‘‘Bigla kong sinugod ang magnanakaw. Hinataw ko ng rattan sa ulo. Sunud-sunod. Ginawa ko ang hataw na gaya ng itinuturo ng PE instructor. Hataw sa ulo, balikat, tagiliran, baywang, hita at binti. Hindi ko mabilang kung gaano kara-ming hataw ang dineliber ko. Nataranta ang magnanakaw. Tinungo ang bintana na pinagdaanan. Pero bago nakasampa sa pasamano ay naupakan ko muli. Sa likod ko binanatan. Tumalon siya at bumagsak sa bubong ng kapitbahay.

‘‘Nang bumagsak sa bubong, tumayo at kahit pipilay-pilay dahil sa pagbagsak, nagpalipat-lipat sa mga bubong. Nagsisigaw naman ako: MAGNANAKAW! MAGNANAKAW! HABULIN N’YO! Naglabasan ang mga tao, pero nawala na sa dilim ang magnanakaw.

‘‘Makaraan ang isang oras saka may dumating na pulis. Wala talagang aasahan sa mga pulis,’’ napailing si Gab.

Napangiti naman si Drew.

‘‘Mabuti na lang at wa­lang nanakaw,’’ sabi niya.

‘‘Oo. Pero kung hindi ako nagising, baka natangay ang pinaka-mamahal kong kuwintas na regalo ni Daddy. Kung nakuha, tiba-tiba sana ang maruming babae.’’

“Pero hanga ako sa’yo Gab. Ang tapang mo. Ang lakas ng loob mo.’’

“Kailangan sa panahong ito, lalo ang mga babae ay malakas ang loob. Kawawa ang mga babaing mahihina dahil aapihin lang…’’

Napatango si Drew. Humanga siya kay Gab.

(Itutuloy)

 

Show comments