Lola Olga!

HABANG tumatagal, umiikli ang buhay ng tao? May 30 o 40 anyos lamang ay namamatay na dahil sa sakit. Bakit ang lola ko, pati ang mga kapatid niya, buhay at malalakas pa?           

Noong wala pang telepono, kapag may kailangan ka sa iyong kaibigan o kapitbahay, maglalakad ka para siya puntahan. Wala ring remote noon kaya kapag manonood ng TV ay tumatayo sila upang palitan ang channel. Ang mga pagkain dati ay pawang sariwa, bagong ani o pitas. Wala masyadong mga sitsirya at junk food. Pawang lutong bahay, bihira ang de lata at may dagdag na preservatives.

Talagang ang haba ng buhay ay depende sa ating lifestyle. Ang henerasyon ngayon, panay ang kain ng fastfood, marami ng gadgets, uupo at magpipipindot na lang ay makukuha na ang gusto. Ni hindi na nga kailangang mag-research sa library at maghalungkat ng mga libro. Google lang ang kasagutan sa lahat ng katanungan. Mas advanced nga pero mas less ang mobility, ang movement. Mabilis ang paggalaw ng lahat, ng teknolohiya, ng buhay, pero tayo ni hindi kailangang kumilos. Daliri lang ang gagalawin, ayos na.

Kaya nagulat ako nang mabalitaan ang isang 94-anyos na lola na isang track and field athlete --- si Olga Kotelko. Nagsimula siyang magtraining sa track and field noong 77-anyos. Lumaki siya sa isang farm, naging guro at nagkaroon ng dalawang anak. Pinili raw niyang maging isang maligaya at malakas na atleta, kaysa isang matandang babae. Nakakuha na ng 750 na gintong medalya si Olga sa loob 17 taon na miyembro ng track and field team.

Ayon sa mga scientist, ang pagiging malakas ni Olga ay hindi lamang dahil sa kanyang kakaiba at magagandang genes na minana, kundi sa kanyang pag-iisip at magagandang habits. Walong oras ang kanyang tulog, naglalaro ng Sudoku at iba pang puzzles para mapanatiling alerto at matalas ang isip. Nagdarasal, positibo ang pananaw at maganda ang relasyon sa kanyang pamilya at maraming kaibigan. Hindi siya mahilig sa mga processed food.

Nakaka-inspire si Olga.

Kung gusto n’yong maging malakas at mabuhay nang matagal, tularan si Lola Olga!

 

Show comments