ANG tila walang katapusang problema ng Sektor ng Edukasyon sa kakulangan ng mga silid-aralan at mga pasilidad pampaaralan ay patuloy na sinusulusyunan.
Ayon sa Kalihim ng Edukasyon na si Armin Luistro, ang natitirang 66,800 na kakulangan sa mga silid-aralan sa mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa buong bansa ay natugunan na. Ito ay sa tulong ng iba’t-ibang sektor at ahensya, isa na dito ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Opisyal na inanunsyo ni Sec. Luistro sa presensya ni PaÂngulong Benigno S. Aquino III ang tagumpay na nakamit nila sa isang simpleng pagdiriwang nung ika-3 ng Pebrero 2014. Ito ay ginanap sa Carmona National High School sa Cavite. Dagdag pa ng Kalihim na bukod sa pagtugon nito sa panustos nung 2010, ang DepEd ay magagawang markahan ang pondo para sa higit pang 13 mga silid-aralan. Ito ay may kabuuang 66,813 na mga silid-aralan nung Enero 2014.
Sinabi ng Pangulong Aquino na ang DepEd ay hindi lamang binibigyang pansin ang kakulangan sa mga silid-aralan gayundin ang iba pang mga pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
“Sunod-sunod na binura ng DepEd ang mga problemang minana ng administrasyong ito. Tapos na ang ating kakulangan sa libro, silya, textbook at ngayon naman ang mga classroom,†wika ni Pangulong Aquino.
Lubos naman ang pasasalamat ng Kalihim ng Edukasyon sa Pangulong Aquino dahil sa buong suportang natatanggap nito sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
“Sa ilalim po ng administrasyon ni Pangulong Aquino, isa sa may pinaka-malaking budget increase ang sektor ng edukasyon,†sabi ni Sec. Luistro.
Dagdag pa ni Luistro na sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon ng administrasyong Aquino ay nakapagpagawa na sila ng tripleng bilang ng mga silid-aralan kumpara sa bilang na nagawa nung 2005 hanggang 2013. Sa talumpati ng Kalihim, nabanggit niya na ang pondo sa pagpapagawa ng mga silid-aralan ay mula sa mga pambansa at lokal na gobyerno at iba pang mga donasyon mula sa mga pribadong sektor. Sa 66,813 mga silid-aralan, ang kabuuang 35,000 na kwarto ang nagawa mula sa pondo ng national government; 13,189 naman mula pondo ng lokal na gobyerno; 14,886 mula sa lokal na mga donasyon; 1,215 naman mula sa internasyonal na mga donasyon at 2,242 mula sa Public-Private Partnerships para sa School Infrastructure na proyekto. Binanggit din ni Luistro ang PAGCOR sa tuloy-tuloy nitong pagtulong sa mga pangangailangan ng DepEd.
“Isa ang PAGCOR sa mga korporasyon na may pinaka-malaking donasyon sa ating proyekto. Ang Santa Claus ng DepEd na si PAGCOR Chairman Bong Naguiat ay patuloy pang kumakalap ng pondo,†wika pa ni Luistro. Ayon kay Pagcor Chairman at CEO Cristino Naguiat Jr. ang ahensya ay nakapaglaan ng malaking pondo para sa pagpapagawa ng libo-libong silid-aralan para sa mga pampublikong paaralan mula sa masinop na paggamit ng pondo.
“Sa ngayon, naglaan na kami ng P5 bilyong pondo para sa aming school building project mula sa ipon ng Pagcor sa mga gastos nito sa pagpapatakbo. Prayoridad namin na mapa-buti ang kalagayan ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Ang mga silid-aralang ito ang magiging pamana ng Pagcor para sa mga kabataan at sa mga susunod pang mga henerasyon,†sabi ni Naguiat.
Kamakailan lamang ang Pagcor ay pormal na iginawad sa E.B. Magalona National High School sa Negros Occidental ang labing anim (16) na mga bagong silid-aralan. Ito ay kabilang sa 629 mga silid-aralan sa 112 na mga lugar kung saan ginawa gamit ang pondo ng ahensya. Ito rin ay kabilang sa kulang na 66,800 mga silid-aralan na natugunan na. Ayon kay Naguiat ang E.B. Magalona National High School ay isa sa mga pampublikong paaralan sa Negros Occidental na kinilala ng DepEd na lubos na nangangailangan ng mga bagong silid-aralan.
“Sa probinsyang ito, ang paaralang ito ang may pinakamalaking populasyon. Luma na ang mga classroom nila at dahil hindi naman kalakihan ang mga kuwarto, overcrowded ang mga estudyante ‘pag nagka-klase,†dagdag pa ni Naguiat. Naniniwala si Naguiat na ang mga bagong silid-aralan ay lubos na makakatulong sa kalagayan ng mga mag-aaral. Ang pinakalayunin ng ahensya sa proyektong ito ay mabigyan ang mga kabataan ng maraming desenteng pasilidad pampaaralan. Lubos naman ang pasasalamat ng Punong-guro ng paaralan na si Romualdo Batallones na ang kanilang eskwelahan ay napili at napatayuan ng mga bagong silid-aralan mula sa Pagcor.
“Mula sa 60 mga mag-aaral sa isang kwarto, ngayon ay kaya na namin humawak ng 45 hanggang 50 mga estudyante sa bawat silid-aralan. Ngayon ay nasusunod na namin ang standard classroom size ng DepEd na 45 na mag-aaral lamang sa isang kwarto,†wika ni Batallones. (KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09213784392/ 09213263166 / 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari rin kayong pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes 9:00 AM- 5:00 PM.