Uok (71)

“NANG lumabas si Daddy sa bahay, parang takot na takot. Nasa likod naman ang asawa niyang marumi at ang sama ng tingin sa akin. Parang kakainin ako. Sinabi ko kay Daddy ang kailangan ko --- pera para pambili ng libro. Pero bago ako nabigyan ni Daddy, urong-sulong muna siya. Takot na takot sa maruming babae. At nalaman ko, kaya pala ayaw papuntahin ng babaing iyon si Daddy sa bahay ay para masolo lahat ang suweldo ni Daddy. Napakalaki ng suweldo ni Daddy sa Riyadh. Marami siyang obertaym doon. Kung hindi ko pa tinakot si Daddy na magrereklamo ako sa pulis ay hindi magbibigay. Kasi nga’y natatakot sa asawa niya.

“Lantaran kong sinabi kay Daddy na baka dumating ang araw na hindi na niya ako ma­bigyan ng sustento dahil iipitin ng maruming babae. Sabi ko tiyak na gagawa ng paraan ang asawa niya para hindi ako makahati sa tinatanggap niya. Kaya ang sabi ko, padalhan na niya ako ng pera sa aking bank account mismo. Pumayag si Daddy. Huwag daw akong mag-alala at regular na akong makakatanggap ng pera mula sa kanya.

“Nang muling magbalik si Daddy sa Saudi, nakatanggap na ako ng regular na pera mula sa kanya. Kahit alam kong mas malaki pa rin ang pinadadala niya sa kanyang maruming asawa, hindi na ako nagreklamo pa. Naaawa rin ako kay Daddy. Hinayaan ko na lang kung maliit man ang napupunta sa akin.

“Pero hindi pa rin ako tinitigilan ng Baby na iyon kahit nananahimik na ako. Gusto niya akong magantihan sa mga nagawa ko sa kanya. Kung maaari lang siguro ay ipapatay ako.

“At tila nga ganun ang balak sa akin. Isang hapon na lumabas ako sa klase at naglalakad patungo sa sakayan ng jeepney, isang lalaking naka-ball cap ang sumusunod sa akin. Binilisan ko ang lakad pero nakabuntot pa rin…”

(Itutuloy)

 

Show comments