HANGGA’T mayroong “pork barrel,†may political dynasty.
Kung may political dynasty, may pera, maimpluwensya, may kapangyarihan,
Ito ang dahilan kung bakit ang mga kongresista at senador, nagpapakamatay na maihalal sa puwesto.
Nagpapakandahirap para mapanatili ang kanilang kapangyarihan at impluwensya.
Impluwensiya sa mga nakaupo sa gobyerno lokal man o nasyunal na maaari nilang hawakan sa leeg at diktahan.
Nagbubuo sila ng dynasty para maprotektahan, mapanatili at mapalawak ang kanilang mga pinangangalagaang negosyo at interes.
Inaakala nila na ang pagiging pulitiko, ipinamamana sa kanilang mga anak, asawa, kapatid at mga kamag-anak o sa pamamagitan ng ‘blood line.’
Na para bang sila lang ang may karapatang maging pulitiko sa kanilang lugar.
Sa bawat rehiyon, probinsya at mga lalawigan, hindi nawawala ang dynasty.
Marami sa kanila, dating salat at dating mga gusgusin lang pero, biglang yumaman at dumami ang mga tinatangkilik nang maging senador na at kongresista.
Ang milyon-milyong PDAF taon-taon na nakalaan dapat sa mga proyekto, hindi nakikita, hindi nararamdaman ng publiko.
Nitong mga nakaraang buwan, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional na ang pork barrel.
Pero mayroon pa ring mga alokasyon ang gobyerno mula sa Disbursement Acceleration Program o “pork barrel†ng pangulo.
Sa bawat balwarte may mga proyekto. Sa bawat proyekto, ang mga senador at kongresista mayroon kinokolektang “butaw†o porsyento.
Mahalagang mabantayan ng taumbayan ang mga kurakot at kumukupit sa pamahalaan, lokal man o nasyunal. Nawala man ang PDAF, siguradong gagawa at gagawa ng paraan ang mga gahaman at suwapang na mga pulitiko kung papaano makakurakot sa kaban ng bayan.