Uok (61)
“SIGURO nahihiyang ikuÂÂwento ang kanyang second wife. Ayaw na nga niyang maalala iyon. Kapag nadako roon ang usapan namin, lumalayo siya. Kasi’y maÂsama ang nangyari. Nakaranas ako nang hindi maganda. Inapi ako,’’ sabi ni Gab.
Napatangu-tango si Drew. Seryoso si Gab sa pagsasalita. Mukhang hindi nga maganda ang nangyari.
‘‘Biyudo rin pala ang daddy mo, parang daddy ko rin,’’ sabi ni Drew makalipas ang ilang sandali.
“Namatay si Mommy nung 12 years old ako. Grade 6 ako noon kaya tandang-tanda ko na ang mga nangyari.’’
“Anong ikinamatay ng mommy mo?’’
“Kidney disease. Malala na raw. Nagkakumplikasyon na. Hindi na naisalba.’’
“Ang mommy ko naman breast cancer ang kinamatay. First year high school ako noon. Ang hirap mawalan ng ina ano?’’
“Sinabi mo pa. Mas mahirap sa akin dahil masyado akong closed kay mommy. Si Daddy kasi nagsa-Saudi na noon. Siyempre, taunan lang siyang umuwi kaya parang hindi kami gaanong malapit.’’
‘‘Talaga palang matagal na siyang nagsa-Saudi.’’
“Oo. Basta nung magkasakit sa kidney si Mommy nasa Saudi na siya. Doon nga niya binili ang kuwintas ko.’’
“Paano siya nag-asawang muli?’’
Hindi agad nakasagot si Gab. Parang ang bahaging iyon ang mahirap sagutin. Pero dahil siya ang nagbukas ng usapan ukol sa second wife ng daddy niya, ikinuwento ang mga nangyari.
“Eksaktong isang taon mula nang mawala si Mommy, nagdala na ng babae si Daddy sa bahay --- dito sa bahay na ito. Pakilala niya asawa raw niya. Nagpakasal daw sila sa city hall. Baby ang pangalan ng babae. May itsura rin. Morena. Tsinita. Sexy. Matapos ipakilala sa akin, nagtungo na ako sa bedroom ko. Umiyak ako. Kasi, ayaw kong may kapalit si Mommy. At saka isang taon pa lang namamatay ay nagdala na ng kung sinong babae. Habang umiiyak ay pinagmamasdan ko ang naka-frame na picture ni Mommy. Awang-awa ako kay Mommy na pinalitan na agad ni Daddy. Talagang hindi ko inaasahan ang ginawa ni Daddy.
“Kinabukasan, nakita ko silang naghaharutan sa salas. Dito sa salas na ito. Ako ang hiyang-hiya sa ginagawa nila. Pumasok na lang uli ako sa bedroom ko at umiyak nang umiyak.’’
(Itutuloy)
- Latest