SA farm ng isang corrupt na pulitiko, paborito niya ang isang puting kambing at isang itim na kabayong pangarera. Kahit alam ng kambing na paborito rin siya, nagseselos pa rin siya sa kabayo. Palibhasa ay lagi nitong ipinapanalo ang amo sa karera, nadadama ng kambing na mas espesyal ang pagtingin ng amo sa kabayo kaysa kanya na sariwang gatas lang ang naibibigay.
Minsan, habang kausap ng corrupt na pulitiko ang isang lalaki, aksidenteng narinig ng kambing ang usapan:
Lalaki: Boss, ikinanta na ako ng whistle blower. Ako raw ang taga-kolekta mo ng pera. Anong mangyayari sa akin at sa aking pamilya kapag nakulong ako? Mabuti ikaw, marami kang pera at koneksiyon para magpalusot. Samantalang ako, barya-barya lang ang napala ko sa pagiging kolektor mo, kumpara sa bilyong pisong nakulimbat mo.
Pulitiko: Hayan, inayos ko na ang iyong mga kailangan. Narito ang pera, visa, passport na kailangan mo papuntang America. Doon ka muna magtago habang mainit pa ang imbestigasyon tungkol sa networ-king scam. Tandaan mo, wala kang alam at hindi tayo magkakilala.
Napangiti ang kambing sa nalaman tungkol sa kanyang amo. Nagkaroon tuloy siya ng bright idea para siya na ang maging ‘favorite’ ng amo na nabisto niyang corrupt. Kaagad niyang kinausap ang itim na kabayo.
“Alam mo Kabayo, sa lahat ng hayop dito sa farm, ikaw lang ang pinaka-pagod. Training araw-araw tapos isasabak ka sa karera. Samantalang kami patambay-tambay lang araw-araw. Minsan naman magpahinga ka. Sa dami ng responsibilad mo, kailangan mo ng ilang araw na pahingaâ€
“Paano at saan?†tanong ng kabayo
“Halika sumama ka sa akin. Tatakas tayo. Dadalhin kita sa aking secret hideaway.â€
Dinala ng kambing ang kabayo sa pinakasulok ng gubat. Ang plano ng kambing ay iwan doon ang kabayo at pagkatapos ay babalik siya sa farm. Kung wala na ang kabayo, siya na lang ang magiging favorite na alaga ng corrupt na pulitiko. NagÂÂtagumpay ang kambing. Nailigaw niya ang kabayo. Ngunit kinabukasan, nakabalik sa farm ang kabayo pero nanghihina ito at maysakit. Ipinagamot ang kabayo sa beterinaryo. Ang payo ng doctor:
“May kakaibang sakit na dumapo sa kabayo. Ang gamot lang diyan ay lamang-loob ng puting kam-bing.†Masakit man sa kalooban ng pulitiko, ipinakatay niya ang kanyang paboritong kambing para gumaling ang kabayo na mas malaki ang kanyang pakinabang.
Balik tayo sa lalaking taga-kolekta ng pulitiko. Sa tulong ng FBI, nahuli ang lalaki at pinabalik sa Pilipinas. Mas mahal ng lalaki ang kanyang pamilya kaysa pulitikong nanggamit sa kanya. Pinili niyang maging state witness para maiwasan ang pagkakulong at ituro ang tunay na mandarambong, ang corrupt na pulitiko. Tingnan mo nga naman, iisa ang naging kapalaran ng pulitiko at ng alaga niyang puting kambing—sila ang humanap ng ikapapahamak nila.