EDITORYAL - Sagipin ang 7-lakes sa San Pablo, Laguna

“TREATHENED lakes”. Iyan ang paglalarawan ng Germany-based Global Nature Fund (GNF) sa 7-lawa na nasa San Pablo City, Laguna. Unti-unti nang nasisira ang mga ito. Nanganganib na.

Mula nang ihayag ng GNF na nanganganib ang 7-lawa sa pagkasira, kanya-kanya namang paliwanag ang mga opisyal sa San Pablo ukol sa nangyayari sa lawa. May nagsabing “unfair” naman daw ang sinabi ng GNF. Hindi naman daw totoong nanganganib na ang 7-lawa. Ang ilan ay nagsabing bibigyan ng solusyon ang problemang nakaamba sa mga lawa.

Ang pitong lawa ay ang Sampaloc, Palakpakin, Calibato, Bunot, Yambo, Pandin, Muhicap. Ang Sampaloc ang pinaka-malaki sa lahat nang lake.

Ayon sa GNF, ang Sampaloc ang pinaka-delikadong masira. Halos mapuno na umano ng “illegal fish pens” ang Sampaloc lake. Ang matindi pa, at pinatotohanan din ng mga taong nakakakita sa mga nangyayari sa mga lawa, ang mga dumi ng squatters na nakatira sa pampang ay itinatapon mismo sa lawa. Araw-araw umano ay nagtatapon ng basura sa Sampaloc lake. Lalo pang dumadami ang basura sapagkat parami nang parami ang squatters sa paligid ng mga lawa. Hindi umano kayang pigilan ng nangangasiwa sa mga lawa ang pagdagsa ng mga “illegal settlers”.

Hindi lamang mga namumuno sa San Pablo ang nararapat kumilos sa nakaambang pagkasira ng 7-lawa kundi pati na rin ang Laguna Lake Development Authority (LLDA). Sila ang responsable para mapangalagaan ang lawa sa mga taong sakim at walang pagmamalasakit sa pinagkukunan ng ikabubuhay. Nararapat kumilos ang LLDA upang masagip ang 7-lawa sa pagkasira. Pero hindi magagawa ng LLDA ang pagsagip sa mga lawa kung hindi tutulong ang mga taga-San Pablo na rin mismo. Magkaisa sila para pagtulungang wasakin ang illegal fish pens at higpitan ang mga squatter sa pagtatapon ng kanilang dumi sa lawa. Nasa mga kamay ng mga taga-San Pablo ang patuloy na pag-agos ng mga lawa.

 

Show comments