Check-up kay Nanay

1. Anu- ano ang check-ups na dapat isinasagawa ni Nanay? Para saan ito?

Sagot: Kung si Nanay ay edad 40 pataas, kailangan mo ng check-up. Kung wala ka pang 40, pero may lahi ka ng sakit sa puso, diabetes o kanser, kailangan mong magpacheck-up nang maaga.

a. Magpa-blood test bawat taon – Complete blood count (para malaman ang dami ng dugo), creatinine (para sa kidneys), uric acid (para sa arthritis), cholesterol (para sa puso), fasting blood sugar (para sa diabetes), at SGPT (para sa atay).

b. Urinalysis – Para masuri kung may impeksyon sa ihi o sakit sa kidneys.

c. Chest X-ray - Para makita ang baga at puso.

d. Alamin ang BP –Ang normal na blood pressure ay hindi tataas sa 120 over 80.

e. Bantayan ang suso – Ayon sa American Cancer Society, lahat ng mga babae ay kailangan mag-examine ng kanilang suso sa edad 20 pataas. Kapag 35 ka na, magpa-mammogram o ultrasound ng suso bawat 2 taon.

f. Magpatingin sa OB at magpa-Pap’s smear – Sa mga may asawa o nagtatalik na, kaila-ngan mag-pa-Pap’s smear test at magpa-examine ng puwerta (pelvic exam) sa iyong OB-gyne. Binabantayan ng doktor ang kanser sa matres at impeksyon sa puwerta. Kadalasan ay bawat 3 years.

2. Ano ang madalas na nagiging sakit ng mga nanay? Paano ito maiiwasan?

Sagot:

a.  Pangkaraniwan ay nagkakaroon ng altapresyon, diabetes o sakit sa puso mula sa edad 40 o 50.

b. Bantayan ang kanser sa suso at matris, mula edad 40 pataas.

c. Uminom ng Calcium tablets – Pagkatapos ng menopause (mga edad 50), kailangan ng mga kababaihan na uminom ng calcium tablets. Osteoporosis (marupok na buto) ang pangkaraniwang sakit ng mga babae. Ang calcium ay pampalakas ng buto. Kaya habang bata pa, maganda rin na uminom ng gatas, tulad ng skim milk, para tumibay ang buto.

d. Huwag magpataba – Ayon sa pagsusuri, may 40% ng kababaihan ay lampas sa timbang. Magbawas sa kinakain at mag-ehersisyo.

 

3. Magbigay ng halimbawa ng healthy meals para kay Nanay.

Sagot:

a. Almusal – pandesal, low fat milk (may calcium), at isang itlog (protina)

b. Tanghalian – sardinas (calcium at vitamin D), 1 tasa carrots (laban sa breast cancer), 1 tasa avocado (para sa kutis) at 1 cup kanin

c. Hapunan – sinigang na manok na may gulay (protina), 1 tasa talbos ng kamote o kangkong (low calorie at high fiber), 1 hiwa pakwan at 1 cup kanin

d. Meryenda - saging, mansanas o yogurt.

e. Sapat na tubig.

Show comments