HINDI pa natatagalan nang mahulog ang isang pampasaherong bus sa skyway sa Parañaque na ikinamatay ng walong pasahero at ikinasugat nang maraming iba pa, eto at mayroon na namang trahedya sa bus. Kahapon, isang bus na naman ang naaksidente nang mahulog sa bangin sa Sitio Paggang, Bgy. Talubin, Bontoc, Mt. Province at kumitil ng 17 buhay at 31 ang nasugatan.
Nahulog ang Florida Bus sa 120 metrong lalim na bangin habang paakyat sa Banaue-Bontoc Road dakong 7:20 ng umaga. Ayon sa report, nagkaroon umano ng aberya ang preno ng bus habang nasa isang kurbada at naging dahilan para mahulog sa bangin. Sa taas ng binagsakan, nagkayupi-yupi ang bus at ang mga pasahero ay naipit sa loob. Karamihan sa mga namatay ay natutulog umano nang maganap ang trahedya, ayon pa sa report.
Kapag may naganap na trahedya sa bus ang laging dahilan ay nawalan ng preno. Halos lahat nang mga nangyaring sakuna ay isinisisi sa pumalyang preno. Hindi ba sumasailalim sa periodic maintenance ang mga pampasaherong bus at lagi na lang walang preno. Delikado ang ganito sapagkat walang kamalay-malay ang mga pasahero na dinadala na pala sila ng bus na kanilang sinakyan sa hukay. Wala silang kaalam-alam na ang sinakyan nila ay “kabaong bus†pala!
Naniniwala naman kami na karamihan sa nangÂyaring aksidente ay pagkakamali ng driver. Kulang sa kasanayan ang drayber. Ang ilan ay mangmang din. Mayroong mabilis ang pagpapatakbo kahit pababa at pakurbada ang kalsada. Hindi alam ang mga road signs.
Kailangang maghigpit ang LTO sa pag-iisyu ng driver’s license. Huwag sana isyu nang isyu at idaan muna sa masusing pag-imbestiga kung marunong nga ba ang drayber pampubliko man pribadong sasakyan. Kawawa naman ang mga pasaherong namamatay dahil sa mangmang na bus driver.