Mga preso nabuburyong din!
Dapat na matutukan ang naganap na mass jailbreak sa provincial jail ng Palo, Leyte kahapon ng madaling-araw.
Aba’y aabot sa 182 preso ang pumuga, gayunman agad na nadakip din ang 148 sa mga ito.
Ang bilang na 182 ay bahagi sa 431 na kabuuang bilang na nakapiit sa naturang kulungan.
Pangunahing dahilan na lumalabas sa ginawang maramihang pagtakas ay gutom, hindi maayos na pasilidad at mabagal na pag-usad ng kanilang mga kaso.
Nakakalungkot ang ganitong mga pangyayari kahit pa sabihing mga bilanggo ang mga ito dahil na mabigyan nang kaukulang pansin ang kanilang mga daing.
Ang Palo, Leyte ay isa sa matinding sinalanta nang tumama sa bansa ang super typhoon na si Yolanda.
Ito rin ang mga bilanggong noong kasagsagan ng bagyong Yolanda ay na-trap sa mabilis na pagtaas ng tubig sa loob ng mga selda.
Madaling araw nang isagawa ang mass jailbreak, hindi pa malinaw kung paano ito naisagawa, pero sa inisyal na ulat sinabayan daw ng mga bilanggo ang ilang jailguard na agad kinuyog habang nagkakape.
Isa pang dahilan ay dahil na rin sa hindi pa lubusang naisasaayos ang piitan matapos wasakin ng bagyo kaya madaling nakapuga ang mga ito.
Baka naman hindi natutukan ang bilangguan, baka naman talagang misarable na ang naging kalagayan ng mga ito matapos ang bagyo.
Idagdag pa ang kakulangan sa pagkain, eh baka tuluyang maburyong ang mga ito.
Ang mabagal na pag-usad ng kaso ng mga bilanggo ay hindi lamang sa jail ng Palo, Leyte nangyayari.
Ilang taon talaga ang bibilangin bago mahatulan ang isang kaso. Ika nga mabagal ang maipataw ang hustisya.
Madalas nga na nakakamatayan hindi lang ng nagreklamo kundi maging ng akusado ang desisyon sa kaso.
Ganito kabagal ang hustisya sa bansa.
- Latest