Isa sa nakikitang solusyon ng PNP para malabanan o mapigilan ang pagkalat ng kriminalidad partikular na nga ang mga pag-atake ng mga tandem na kriminal ay ang ikalat ang mga mukha ng mga wanted na kriminal partikular sa Metro Manila.
Bahagi lang ito para mapalakas ang operasyon laban sa mga kumakalat ngayong tandem na kriminal at iba pang masasamang elemento.
Ayon nga kay Chief Supt. Ricardo Marquez, Acting Director ng Directorate for Operations ng PNP , “ There must be a regular review of all crimes because crime evolve in time “.
Bukod sa pagpapalakas ng police visibility ay magkakaroon na rin ng lingguhang pagrerebisa sa estratehiya ng pulisya para lalong malabanan ang mga krimen sa kapuluan.
Malaking tulong talaga ang maipaskil ang mukha ng mga wanted criminal.
Napagtutuunan ito nang pansin ng publiko, kung minsan nga kapitbahay na pala nila yung wanted hindi nila alam. Pagnakita ang mga mukha ng kawatan, ayon nagbibigay daan ito sa ikakadakip ng mga criminal.
Alam ba ninyong sa rekord ng PNP Directorate for Operations, umabot sa 3,074 insidente na kinasangkutan ng mga riding in tandem na mga kriminal sa buong bansa o nasa .9 % sa Total Crime Volume sa buong taon ng 2013.
Samantalang karamihan naman ng mga operasyon ng mga ito ay namamayagpag sa Metro Manila. Ang Kalakhang Maynila rin, ang may pinakamalaking kaso ng kriminalidad na naitala ng PNP partikular na ang street crimes, robbery/holdup, snatching at iba pa.
Dawit na rin ang ilan sa mga ito sa mga kaso nang pagpaslang.
Lumilitaw naman na nagiging marahas ang riding in tandem na sa unang bugso pa lamang ng 2014 ay ilang insidente na ang kinasangkutan sa Metro Manila.