ANG putik ay laging ikinokonekta sa kawalan, kahirapan, dumi at lahat ng kanegahan. Ngunit alam ba ninyo na may taong yumaman dahil sa pagtitinda ng putik? Palibhasa ay mas popular sa atin ang larong basketball kaysa baseball kaya kakaunti lang siguro sa mga Pinoy ang nakakaalam tungkol sa Lena Blackburne Baseball Rubbing Mud.
Noong 1938, isang ‘umpire’ (kahalintulad ng referee) ang lumapit kay Lena Blackburne, third base coach ng Philadelphia Athletics, para ireklamo ang tungkol sa nakakadismayang kondisyon ng mga bolang ginagamit sa baseball American League. Mabilis daw nasira ang mga porma nito. Sa mga walang alam sa baseball, ang cover ng bolang ginagamit sa larong ito ay yari sa leather. Ang bola ay pinapahiran ng basang putik bago maglaro upang matanggal ang dulas ng leather. Kapag ito ay gumaspang na dahil sa kapapahid ng putik, mahahawakan itong mabuti ng pitcher at magkakaroon ang kanyang kamay ng control sa paghahagis nito. Ang problema, kapag napapadalas ang pahid ng basang putik, lumalambot, pumapangit na ang porma at umiitim ang white leather cover. Ilang gamitan lang, kailangan na itong palitan dahil hindi na magandang gamitin sa laro. Si Blackburne ang naatasang maghanap ng solusyon.
Minsang umuwi siya sa kanilang bayan sa Burlington County, nagpunta siya malapit sa Delaware River. Doon siya naghanap ng putik na hindi makakapangitim sa cover at makakasira ng porma. Kumuha siya ng sample ng putik. Sinala niya ito sa pinong alambreng salaan upang maihiwalay ang malalaking bato. Ang natira ay pino at malapot na putik na walang mabahong amoy. Kahalintulad ang hitsura ng chocolate pudding. Ipinahid niya ang putik sa bola at natuklasang hindi ito nagdudulot ng pangingitim. Palibhasa ay malapot, hindi rin ito nagpapalambot sa leather. Ang putik ay ginawang negosyo ni Blackburne. Inilagay niya ang putik sa bilog na lata na parang shoe polish. Pinangalanan niya itong Lena Blackburne Baseball Rubbing Mud. Siya ang naging supplier ng rubbing mud ng buong American League. Tanging si Blackburne lamang ang nakakaalam kung saan ang eksaktong lugar ng pinagmumulan ng putik. Ngunit bago namatay, ipinagtapat niya ito sa kanyang kaibigan. Hanggang ngayon ay pamilya ng kaibigang ito ang supplier at manufacturer ng magic putik. Nanatili pa rin sekreto ang pinanggagalingan ng putik hanggang sa kasalukuyan.