‘Kabuteng bahay’

ANG pagtahak nang mahabang daan nagsisimula sa isang maliit na hakbang. Kapag desido ka mararating mo ang dulo.

“Umalis na sila nung labasan sila ng Motion for Execution. Bigla na naman silang bumalik at tumira sa lupa namin,” kwento ni Narcita.

Nais makuha ni Narcita Suiza, 61 taong gulang taga Pasay City ang lupang pagmamay-ari ng kanyang tiyahing si Mauricia Mercado, 89 na taong gulang. Matandang dalaga ang kanyang tiyahin at maraming iniindang sakit. Hindi na rin ito makalakad dahil sa pagkakaaksidente noon.

“Ako ang inutusan ng tiyahin ko na mag-ayos nitong lupa niya at paalisin ang mga nakatira,” sabi ni Narcita.

Para maging pormal ang pag-aatas niya kay Narcita binigyan niya ito ng Special Power of Attorney (SPA). Nabili ni Mauricia ang lupa sa San Pedro, Laguna na may lawak na 288 sqm nung nagtatrabaho pa ito sa factory ng sigarilyo.

“Malapit sa kalsada ang lupa at sa likod naman may creek,” pahayag ni Narcita.

Hindi ito tinirhan ni Mauricia dahil may sarili itong bahay sa Pasay. Binili niya ito para kung sakaling mangailangan sa hinaharap ay may magamit siya. Malapit ang lupa sa tinitirhan ng mga ‘informal settlers’ sa gilid ng riles kaya naman ang ilan ay nakapasok rito.

“Nakita siguro nilang bakante ang lupa at inakalang walang may-ari kaya nagtayo sila ng bahay nila,” kwento ni Narcita.

Limang pamilya umano ang dating nagtayo ng bahay dun. Lumapit siya sa barangay upang humingi ng tulong sa pagpapaalis. Nagkaroon sila ng ‘amicable settlement’ noong ika-2 ng Abril 2013. Nag-file ng ‘Motion for Execution’ si Naircita kaya umalis ang mga ito.

“Naiwan dun ang bahay ni Amalia Untalan. Umalis sila subalit ng siya’y bumalik kasama na ang biyenan na si Urgenio,” ayon kay Narcita.

Pinapaalis umano nila ang mga ito ngunit nagmamatigas ang mga Untalan. Tinanggalan ng bubog ang bakod na hollow blocks at nilagari ng mga ito ang bakal na gate para muling makapasok. Naglagay pa umano ng tindahan dun si Amalia. Bago ang eleksiyon pinuntahan ng barangay ang mga Untalan. Hindi umano umalis ang mga ito at sinabing kasuhan na lamang sila sa korte.

Enero ng taong 2014 nang magkaroon sila ng mediation sa pamumuno ni Ms. Kitten Campos ang Punong Barangay ng San Vicente, San Pedro, Laguna ang barangay na nakakasakop sa nasabing lupa.

“Kalagitnaan ng mediation pinalabas ako ang tiyahin ko ang naiwan. Hindi sila nagkasundo kaya nabigyan kami ng Certification to File Action,” kwento ni Narcita.

Ayaw umalis ng mga Untalan at nanindigan ang mga ito na daanin na lang sa korte ang pagpapaalis sa kanila.

“Binabastos at hinaharass daw namin sila sa pagpapaalis,” wika ni Narcita.

Itinatanggi naman ni Narcita na ginawa niya ang ibinibintang sa kanya. Giit niya…“Kailangan nga naming makiusap bakit naman namin sila haharasin?” ayon kay Narcita. Sinabihan na rin umano niya ang mga Untalan na kailangan na nilang umalis dahil gagamitin na ng tiyahin ang lupa. May sakit ito at kailangan ng mga gamot.

“Supporter ng Punong Barangay na si Kitten Campos yung mga Untalan kaya nung lumapit ako sa kanila parang alanganin silang paalisin,” pahayag ni Narcita.

May kamag-anak din umano itong retired colonel na nagturo umano sa kanila na huwag umalis sa lugar. Nais malaman ni Narcita kung ano ang maaari niyang gawin upang mapaalis ang mga nakatira sa lupa ng kanyang tiyahin.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Narcita.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Narcita na kailangang ang tiyahin niya ang mag-file ng kasong ‘Ejectment’ laban sa mga Untalan. Ngunit ang malaking hadlang lang dito ay kung nasa hustong pag-iisip pa ba ang iyong tiyahin. Sa ganitong pagkakataon maaari siyang gumawa ng ‘Last Will and Testament’ at ipamana niya ang lupa sa kung kanino niya gugustusin para ito na ang lumakad sa pag-aayos ng problema.

Maaari din naman siyang gumawa ng ‘Deed of Donation’ na ito’y ibinibigay niya sa kanyang mga mga kapatid o mga pamangkin. Makipag-usap ka man Narcita ng maayos sa kanila kung talagang ayaw nilang umalis kailangan niyo pa ring mag-file ng kaso para mapaalis ang mga taong tumira sa nasabing lupa. Nakapanayam namin si Ms. Campos at ayon sa kanya kinausap niya na ang mga Untalan na kung maaari ay umalis na ang mga ito dahil ito’y private property. Hindi sila pumayag kaya nagbigay sila ng certification to file action.

Hindi mo rin maaaring gamitin ang barangay army para paalisin na lang ang mga tao doon dahil maaari silang balikan nito. Pwede silang makasuhan ng ‘Coercion’ kung ipipilit nila ang gusto mo. Walang mas mainam sa pagsasampa ng kaso sa korte. Bagamat ganun ang nangyari, sinabi sa amin ni Kapitana Campos na kakausapin niya ulit ang pamilya ni Untalan. Hihingi din daw siya ng lupa mula kay Mayor Lourdes Cataquiz, para maibigay at ma-relocate ang mga Untalan ng matapos na ang lahat ng ito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Show comments