SA tulad ko na nabibilang sa heneÂrasyon na hindi pa uso ang computer, smartphone, internet at tablet, nanggigilalas pa rin ako hanggang ngayon sa epekto sa buhay natin ng mga social networking site tulad ng Facebook. Hindi lang ito pampalipas-oras o paglilibang. Nagagamit din ito sa trabaho at negosyo bukod pa sa komunikasyon.
Noong isang araw lang, hindi sinasadyang nakausap ko sa Facebook ang isang kaibigan na may 13 taon ko nang hindi nakikita. Dati siyang negosyante na nagmamay-ari ng isang Japanese restaurant sa Pasay City. Nasa Amerika na pala siya ngayon at nagtatrabaho bilang instruktor doon. Sa Facebook ko rin muling nakadaupang-palad ang mga dati kong kaeskwela sa hayskul at kolehiyo at iba pang mga kaibigan at kakilala at kamag-anak na maraming taon o dekada nang hindi ko nakikita o nakakausap. Halos hindi kapani-paniwala na muli ko silang nakausap kahit nasa malayong sulok sila ng Pilipinas o sa ibang bansa.
Meron ding mga nagkakakilala, nagiging magkaibigan at magkarelasyon dahil sa Facebook. Huwag lang ito magagamit sa panloloko at kung hindi ka naman magpapaloko, patuloy na magkakaroon ito ng kabuluhan sa buhay natin. Minsan nga, sa tulong ng Facebook, muling nakita ng isang matandang ginang ang nawawala niyang asawa na may kapansanan sa pag-iisip. Tuwing nasa labas siya, merong nakapaskel sa kanyang likod hinggil sa nawawala niyang asawa. Kinunan siya ng litrato ng isang napadaang photographer at ipinoste ito sa Facebook na naging daan para matunton ang kanyang mister. Isa ring halimbawa iyong isang domestic helper na Pilipina na inaabuso ng kanyang amo sa Kuwait. Kumalat sa Facebook ang kanyang sitwasyon hanggang sa malaman iyon ng mga awtoridad ng Philippine Embassy na sumagip sa kanya.
Nagpadiin pa sa kabuluhan nito ang paggamit sa Facebook sa mga kampanya sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Visayas noong Nobyembre. Hindi rin mabilang sa dami ang mga poste rito ng mga Overseas Filipino Worker at iba pang Filipino migrant na nagsikilos para tulungan ang mga kababayan nilang sinalanta ng kalamidad. Bumaha ang mga panawagan sa pagkolekta ng mga donasyon.
Maliban sa Twitter at Instagram, wala pa yatang ibang social media na nakakapantay sa ngayon sa epektong ito ng Facebook. Nagsara na nga ang iba tulad ng Multiply. Nalaos ang dating sikat na Friendster. Siguro, kung merong susulpot na bagong social media site, kailangan nitong mapantayan ang ‘himala’ ng Facebook.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com)