Sa Mindanao naman

Ulang walang tigil na nagpapabaha

Doon sa Mindanao ay nananalanta;

Mga baya’t bukid at waring nawala

Sa patak ng ulang halos walang tila!

 

Sinundan ng bagyo – kaya tagaroon

Nagsawa sa tubig na delubyo ngayon;

Ang mga tahanan nagiba rin doon

At ang mga tao’y hindi makabangon!

 

Talagang ang bansa’y parang niyuyugyog

Ng mga sakunang sa ati’y pagsubok;

Inakala nating sa taong pumasok

Wala nang trahedyang sa ati’y bangungot!

 

Pero bakit kaya itong kalikasan

Parang tinitikis itong ating bayan?

Ang taga-Mindanao ay salat sa yaman

Bakit pati sila’y pinahihirapan?

Show comments