KAPAG pipirma ka sa isang kontrata basahin mong mabuti lahat ng salita lalo na ang nakasulat sa maliliit na titik (fined print) dahil baka nakalagay doon ang ikakapahamak mo.
“Inaangkin na nila ang bahay namin. Hindi naman natuloy ang bilihan,†pahayag ni Sendo.
Nagipit sa pera ang mag-asawang Amalia at Rosendo “Sendo†Reario, 41 taong gulang, taga Novaliches, Quezon City kaya napagpasyahan nilang ibenta ang rights ng lupa’t bahay. Dating Overseas Filipino Worker (OFW) si Sendo ngunit nang makulong siya napurnada ang muli niyang pag-alis ng bansa. Hindi siya makakuha ng NBI clearance dahil may kaso siyang kinakaharap.
Sa mag-asawang Robert at Rowena Jamias sila nakipag-usap. Ibinebenta nila ito sa halagang limampung libong piso.
Hinulug-hulugan sila ng mga ito hanggang sa umabot ng tatlumpu’t limang libong piso ang naibayad.
Nagkaroon sila ng kasunduan at nakasaad doon kung anong mga petsa nagbigay ng pera ang mag-asawa. Ang kulang na labinglimang libong piso ay ibibigay ng mag-asawang Jamias sa paglipat nila sa bahay na binebenta. Kapag nakompleto na ang bayad sa napagkasunduang halaga ay mapupunta na sa mag-asawa at sa kanilang tagapagmana ang buong karapatan at pagmamay-ari sa bahay (rights only). Nilagdaan ito nina Amalia at Sendo bilang nagbenta at sina Robert at Rowena bilang nakabili. Napanotaryo nila ito noong Marso 8, 2003.
“Kaya limampung libong piso lang ang benta namin dahil ang usapan sila na ang magtutubos nun sa napagsanlaan,†kwento ni Sendo.
Walong libo at limang daang piso (Php18,500) ang halaga ng pagkakasanla na kailangang tubusin ng mag-asawang Jamias.
Marso ng taong 2013 nang palipatin niya sina Rowena sa nasabing bahay. Nakita niyang malaki ang pamilya nito at maraming kagamitan.
“Sabi nila maliit daw pala ang ibinebenta naming lupa. Dati kasi naming tindahan yun,†wika ni Sendo.
Kinausap umano siya ni Robert at sinabing magdadagdag ang mga ito ng labing limang libong piso pero sa malaki na sila titira. Lalabas na ang bibilhin ng mga Jamias ay ang malaking bahay.
“Sila pa rin daw ang magtutubos nung isang bahay. Ang nabago lang kami na sa maliit sila sa malaki,†pahayag ni Sendo.
Gumawa din umano sila ng bagong kasunduan ni Robert na hindi na tinutuloy ang pagbili sa maliit na bahay at yung malaki na ang bibilhin.
“Ngayon nagpapagawa na ng kung ano ano dun sa bahay namin. Pinapahinto ko, ang sabi sa akin sa kanila na daw yun sabi ng Atty niya. Namatay na si Robert at wala akong kopya nung huli naming kasulatan,†salaysay ni Sendo.
Binabalak ni Sendo na isauli na ang pera ng mga Jamias at ibalik na lang sa kanila ang lupa’t bahay ngunit nagmamatigas umano si Rowena. Nais ding malaman ni Sendo kung maaari ba siyang magsampa ng ‘Breach of contract’ laban kay Rowena. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.
“Hindi naman natuloy ang bentahan namin bakit inaangkin pa rin nila ang lupa’t bahay namin?†ayon kay Sendo.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Sendo.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang kontrata ay isang kasunduan sa pagitan ng dalawang tao. Hindi naging malinaw sa kasunduan ninyo ng mga Jamias kung anong bahay ang ibinebenta mo. Ngunit masasabing ito ay ‘perfected contract’ na pinanotaryo.
Hawak mo pa naman ang certificate ng rights at sila naman hindi pa nila binibigay ang labinlimang limang piso kaya yun ang nagiging dahilan kung bakit kayo nagkakaproblema.
Padalhan mo muna Sendo ng ‘demand letter’ si Rowena para sa natitira nitong balanse sa iyo. Kung hindi siya magbabayad maaari mo siyang kasuhan ng ‘Collection of Sum of Money’. Isang araw lang ang magiging hearing dito at agad na yang dedesisyunan.
Kapag hindi pa siya nagbayad sa iyo, saka mo na siya kasuhan ng ‘Breach of Contract’ dahil sa hindi pagtupad ng inyong napag-usapan.
Bago humantong ito sa kasuhan baka naman madaan niyo pa yan sa usapan. Hindi porket nahuli ang pagbabayad ay mapapawalang bisa na ang inyong kasunduan. O baka naman nakahanap ka ng panibagong bibili na mas malaki ang ibabayad sa iyo kaya mo tinatalikuran ang inyong usapan. Hindi ganyan ang pakikipag-usap sa tao. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
Ugaliing makinig ng programang Pusong Pinoy tuwing Sabado 7:00-8:00 ng umaga at ng Pari Ko tuwing Linggo 9:30PM-10:30PM sa DWIZ882 khz AM Band.