‘Salat’

NAGKALAT ang mga ‘salat’ sa iba’t ibang lugar partikular sa lansangan ng kamaynilaan. Sila ang grupo ng mga “maliliit” na kriminal na nakatira sa lansangan para mabuhay.

Ikinukunsidera silang invisible people at hindi pinapansin ang kanilang mga ginagawa. Kaya naman, tumataas lalo ang kanilang kumpiyansa at galing na gumawa ng krimen sa lansangan. 

Sa Bonifacio Drive sa Maynila, naaktuhan ng BITAG ang grupo ng mga kalalakihan na mala-kuyog kung sumalubong sa mga bumababa sa mga pampasaherong dyipni.

Sila ang mga ‘salat.’ ‘Salat’ sa pagkain, pangangailangan at kaalaman kaya kumakapit sa patalim para mabuhay. ‘Salat’ dahil nananalat ng gamit ng iba ng walang pahintulot sa pamamagitan ng kanilang taktika.

Gamit ang karton na pasimpleng pinantatakip sa mga pilit inaagaw na bag ng mga pasahero, naisasagawa nila ang kanilang modus. Matagal nang namamayagpag ang aktibidades na ito ng mga grupo ng ‘salat’ sa Pier 15 sa Manila South Harbor. Alam ng grupo kung kailan ang dating ng barko, umaga man o gabi.

Ayon sa Luneta Police Station ng Manila Police District, matagal na nilang minamanmanan ang nasabing grupo.  Ang  nakakatawa rito, isang dura lang ang layo ng kanilang station sa kuta ng mga ‘salat’ na nasa likod ng Manila Hotel.

Sa ginawang “moro-morong” operasyon ng mga awtoridad, naglalaro tuloy sa isipan ng BITAG na alaga nila ang mga grupo ng ‘salat.’

Upang hindi mabiktima ng mga nagkalat na ‘salat’ sa mga pantalan, paliparan at terminal ng bus, panoorin ang ‘Salat’ sa bitagtheoriginal.com.

 

 

Show comments