DATI, walang pangil ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Dahilan para paglaruan sila ng mga kompanya ng bus at mga colorum. Pero sa ginawa ng LTFRB noong Martes na kinansela ang prankisa ng Don Mariano Transit Corporation, lumitaw na ang kanilang pangil. Mahaba at matalim ang pangil. Sana, laging ilabas ang pangil sa tuwing may mga bus company na hindi nagpapahalaga sa kaligtasan ng mga pasahero.
Hindi na makakabiyahe kahit kailan ang mahigit 70 bus ng DMTC. Nangyari ang desisyon makaraang dumayb ang bus ng DMTC sa skyway noong Disyembre 16 na naging dahilan ng kamatayan ng 21 katao kasama ang drayber na namatay noong nakaraang linggo. Sabi naman ng abogado ng DMTC, mag-aapela sila sa ginawang pagbawi ng prankisa sa DMTC. Paano raw mababayaran ng DMTC ang mga biktima kung hindi sila makakabiyahe?
Nakunan ng CCTV ang bus (plate number UVC 916) habang mabilis na tumatakbo sa skyway. Ayon sa nangangasiwa ng skyway, lampas 100 kph ang takbo ng bus. Basa ang kalsada sa skyway dahil katatapos lamang ng ulan noon. Over speeding ang drayber. Nawalan ng control sa manibela at nahulog.
Umano’y marami nang kinasangkutang aksidente ang mga bus ng Don Mariano sa mga nakaraang panahon at nakapagtatakang hindi ito nababawian ng prankisa. Nakailang palit na ng hepe sa LTFRB pero walang makapaglakas ng loob na kanselahin ang DMTC. Tanging si LTFRB chairman Winston Ginez ang nagkaroon ng kakayahan para maigaraheng tuluyan ang mga bus ng Don Mariano.
Subalit marami rin naman ang nangangamba na baka retokehin ang mga bus ng DMTC at bigyan ng bagong pangalan. Ayon pa sa report, napakaraming bus company ang may-ari ng Don Mariano at hindi kaya gamitin ang mga ito sa iba pa nilang bus company. Puwedeng pinturahan ang mga bus ng DMTC at kung magkaganito, muli na naman silang makaÂbibiyahe at maaaring maulit ang insidente.
Naniniwala kami na hindi na mababago ang pasya ng LTFRB sa kaso ng DMTC. Magkaisa naman ang mga kaanak ng mga biktima para bantayan ang DMTC para hindi ito makatakas sa obligasyon.