Sekreto nang maligayang buhay
ANO ba ang talagang nakapagpapaligaya sa tao? Ano ba ang sikreto ng maligayang buhay? Basahin ang mga sumusunod at narito ang sekreto:
1. Kapag alam mo kung nasaan ang seguridad mo. Hindi yaman ari-arian, pera, luho kundi kayamanan sa pagkakaroon ng mga kaibigan at pamilyang masasandalan sa anumang kaganapan sa buhay. Ang Panginoon na tutulungan ka at bibigyan ng lakas na kayanin ang mga pagsubok.
2. Marunong kang magpasalamat sa lahat. Sabi nga di ba, in anything give thanks. Kahit sa pagdating ng mga di-inaasahang pangyayari ay ipagpasalamat mo, mayroon ka ng peace in your heart. Dahil alam mong hindi sa kawalan ng mga bagay na ito nasusukat ang ganda ng buhay bagkus ay nananatiling masaya ang buhay sa halip na mga maliliit na aksidente at problema.
3. Alam mong ganap ang iyong ligaya kapag tanggap mo na ang mga bagay na hindi mo kayang kontrolin at imbis na ubusin ang iyong lakas dito ay iniaangat mo sila sa Itaas na may natatanging kapangyarihan upang magawa ang imposible sa iyo. Kapag kaya mong isuko at aminin ang iyong kahinaan at limitasyon, magiging ganap ang iyong ligaya.
4. Tunay ang kaligayahang nararamdaman mo kung marunong at madali kang magpatawad sa kapwa mo. Kapag kasi nagkikimkim ka ng galit ay nagtatanim ka ng pait. At kung mapait na buto ang iyong itinanim ay mapait na bunga rin ang iyong aanihin.
5. Kapag kaya mong tumulong sa iyong kapwa ng bukal sa iyong kalooban na walang inaasahang kapalit. Ibig sabihin ay naitanim na ng Panginoon sa iyong puso ang tunay na diwa ng pagmamahal - at ito ay ang pagmamahal sa kapwa na makikita sa malugod na pagsisilbi at pagbibigay ng tulong sa kanila gayong alam nating wala tayong makukuha mula sa kanila.
Dati, akala ko ay panghabambuhay na ligaya na pagkakaroon ng barkada ko, boypren, maraming pera, gamit at gadget. Hindi pala. Natagpuan ko ang sikreto ng kaligayahan nang matagpuan ang Panginoon na may kapangyarihang ipagkaloob ang ganap na kaligayahan at katahimikan sa buhay.
- Latest