Fasting and prayer

NOONG nakaraang linggo ay sumailalim ako sa fasting and prayer period. Noong nakaraang taon sumailalim na rin ako sa fasting experience. Ngayong simula ng taon, muli kong isinakripisyo ang mga bagay na pinakagusto ko. Isinakripisyo ko ang pagkain ng matatamis, pag-inom ng kape ng higit sa isang beses sa isang araw, pagkain ng kanin at karne at pag-i-Instagram. Sa isang linggong pananahimik, pagdarasal at pakikinig sa aking konsensiya, napagtanto ko ang mga sumusunod:

1. Kung ano ang ipinangako ng Panginoon ay tutuparin Niya sa takdang panahon. Alam Niya ang mga ninanais natin at ipagkakaloob Niya ang mga ito kung ito talaga ay para sa atin. Siya ang magtatakda kung kailan mangyayari ang mga ito.

2. Magpatawad. Kapag pinatawad natin ang isang tao, hindi nangangahulugang sila ay tama. Bagkus ito ay nagpapalaya sa atin upang mapakawalan ang pait at sakit at pinauubaya na natin sa mga kamay ng Diyos ang mga nanakit sa atin. Forgive to be free.

3. Walang imposible sa Diyos. Lahat ng naisin natin ay maaaring mangyari basta naniniwala tayo sa Diyos. Kailangan lang ay maniwala ka, manalig ka na ang  pinaka-mainam para sa iyo ang ipagkakaloob ng Diyos. Walang rason para magduda sa mga plano niya para sa atin.

4. God provides. Ibibigay niya ang lahat ng ating kailangan. Magtiwala ka lang. Minsan, hindi lang ang kailangan ang ipagkakaloob niya, kundi labis pa kung hahangarin nating mapalapit sa Kanya.

5. Napaka-makapangyarihan ang pagdarasal. Sa pamamagitan nito naipararating natin sa Diyos ang ating dinaramdam, kahilingan at pasasalamat. Kung may nais ka, hingin ang tulong ng iyong mga kaibigan upang magdasal din sila para sa iyo.

6. Ask. Wait. Obey. Receive. Thank. Receive (more). Kapag may hinihingi ka, matutong maghintay. At habang naghihintay ka siguruhing nagiging masunurin ka sa mga utos ng Diyos. Sa iyong pagsunod Niya nakikita kung gaano mo kagustong matamo ang iyong hinihingi. Dahil kung gusto mo talaga ito ay gagawin mo ang lahat upang makuha ito. Pagkatanggap mo, siguruhing magpasalamat. Dahil kapag nagpapasalamat mas darami ang mga bagay na ipagpapasalamat mo pa.

7. Let go, let God. Kapag isinuko mo sa Diyos ang lahat at hinayaan Siyang magpasya para sa iyo, pawang mabubuti at mga biyaya ang matatanggap mo. Kapag inuna mo ang Panginoon, ikaw ay mabibiyayaan, liligaya at magtatagumpay.

Show comments