Isang African national na pinaniniwalaang miyembro ng international drug syndicate ang nadakip kahapon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at NBI sa Las Piñas City.
Nakuha rito ang hindi pa matiyak na dami ng shabu na nakapakete at handa nang ibenta.
Si Thank God Ekenedilichukwu Agu ay natunton ng Las Piñas Police at NBI sa nabanggit na siyudad ay sinasabing miyembro ng West African Drug Syndicate na nag-ooperate sa bansa.
Kamakailan lamang nagpahayag nang pangamba ang mga kinauukulan tungkol sa pagpasok na sa bansa ng Mexican drug cartel na Sinaloa na itinuturing na pinakamalaki at pinakamakapangyarihan drug group sa buong mundo.
Ito ay matapos ngang masabat sa isang farm sa Lipa City sa Batangas, ang sinasabing pinagkutaan ng sindikato sa droga na konektado umano dito.
Tatlo katao ang nadakip sa operasyon sa Batangas kabilang ang isang Chinese at ang mag-asawang Pinoy kung saan nasamsam sa kanila ang may 84 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P420 milyon.
Ayon pa sa PDEA, bunsod ng ginawang paghihigpit ng US laban sa cocaine kung kaya humanap ang grupong ito ng panibagong lugar na kanilang mapagsasagawaan ng operasyon.
Noon din lang nakaraang taon nasa P10 milyong halaga ng shabu ang nasamsam din ng PDEA sa isinagawang operasyon sa lungsod Quezon kung saan isang Tsino rin ang nadakip.
Sa dami nang nasasamsam na droga sa mga isinasagawang operasyon sa bansa, hindi rin malayo na marami-rami na rin ang nakakalat sa ngayon at kahit paunti-unti ay nailulusot o naibebenta sa ibaba.
Ilang krimen na rin ang sinasabing naganap na ang dahilan ay droga.
Ilang insidente na nang pagpatay ang naitala, na ang mga biktima ay sinasabing posibleng may kinalaman sa droga, dahil mismong nakukuha sa kanila ang mga ebidensiyang drugs.
Mukhang ang pinag-uugatan talaga ng mga karumal-dumal na krimen na ito ay ang ipinagbabawal na gamot na ito marahil ang dapat na matumbok na masolusyunan dahil mas maraming buhay ang sisiraan at kukunin nito kinalaunan.
Hindi nga ba’t sa survey na ginawa ng Dangerous Drug Board kung saan lumabas na umabot na sa 1.7 milyong Pinoy sa bawat komunidad ang gumagamit ng ilegal na droga.
Hindi rin malayo na pabata nang pabata na ang natututong gumamit nito kaya dapat na mas lalo pang paigtingin ang paglaban dito.