NAKAPAGTATAKA na laging may naka-setup na checkpoint ang mga pulis sa Metro Manila pero lagi pa ring nalulusutan ng riding-in-tandem. Wala pang pangyayari na pagkatapos umatake ng tandem ay hinabol sila ng mga pulis at napatay. O kaya, nati-yempuhan ng mga nagrorondang pulis ang ginagawa ng tandem at nagkabarilan. Wala talaga.
Sunud-sunod ang mga krimen na ang may kagaÂgawan ay riding-in-tandem. Ngayong Enero, apat na ang pinapatay ng tandem. At ang masaklap, pati pulis ay nabibiktima rin ng riding-in-tandem. Kaya kung ang pulis ay walang awang binabaril ng riding-in-tandem, paano na ang mga karaniwang tao na walang kalaban-laban.
Noong Martes, dalawang magkasunod na pagpatay ang ginawa ng riding-in-tandem. Unang nabiktima ay ang pulis na si PO1 Aldrin Laguerta Castro, 25, ng Lower Bicutan at naka-assigned sa Quezon City police. Nakasakay sa kanyang motorsiklo ang pulis at papasok na sa trabaho dakong 5:30 ng madaling araw nang sundan at sabayan ng riding-in-tandem. Binaril sa ulo ang pulis na noon ay naka-helmet. Bumulagta ang pulis. Nilapitan ng killer at kinuha ang baril nito at saka tumakas.
Ang ikalawang biktima ng araw na iyon ng riding-in-tandem ay isang doctor na naka-assigned sa National Bilibid Prisons (NBP). Nakilala ang biktima na si Dr. Juan Villacorta, part time doctor din sa Alabang Medical Center. Apat na beses siyang binaril. Nangyari ang krimen sa Bgy. Putatan, Muntinlupa dakong 3:45 p.m.
Ang ikatlong biktima ng riding-in-tandem noong Miyerkules ay isang manager ng Navotas shipyard na nakilalang si Valentino Aquino, 39. Nakasakay sa kanyang scooter ang biktima nang pagbabarilin ng tandem sa Navotas Bridge dakong 4:30 ng hapon.
Noong Miyerkules, isang 39-anyos na negosyanteng babae ang tinambangan ng riding-in-tandem sa Bagumbayan, Libis, Quezon City. Nakilala ang biktima na si Arlene Garcia. Pinagbabaril siya habang nasa kotse at patungong opisina.
Nagsasabog ng lagim ang riding-in-tandem. Nagiging karaniwan na lamang ang ginagawa nilang pagpatay. Ang mga nangyayaring ito ay nagpapakita naman ng kahinaan ng pulisya sa pagsamsam sa mga di-lisensiyadong baril at kawalan ng police visibility. Sana, makagawa ng paraan ang PNP para mapigilan ang ginagawa ng riding-in-tandem.