Philippine standard ay substandard?

PINAG-uusapan ngayon ang umano’y substandard ng mga bunkhouses na ipinatayo sa Kabisayaan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ang ibig sabihin nito ay masyadong mahinang klase ang bunkhouse na itinayo at ayon mismo sa internatio-nally famous architect Jun Palafox, batay sa kanyang pagsusuri, hindi raw sumunod sa international standard ang bunkhouses na ipinatayo ng DPWH. Ani Palafox, masyadong makipot  ang sukat ng kuwarto na 8.64 square meters kumpara sa international standard na 21 square meters.

Pero katwiran ni presidential spokesman Edwin Lacierda, ang sinunod ng DPWH na standard ay ang pamantayan sa Pilipinas at hindi sa ibang bansa kaya natural na maliit ang sukat ng bunkhouse. Dahil dito, lumilitaw na ang Philippine standard ay substandard.

Kahit pa sabihing temporary shelter lang ang bunkhouses, dapat sumunod ang DPWH sa international standards dahil naging kawawa na nga ang mga biktima ng bagyong Yolanda ay lalo pa silang magmumukhang kawawa ang kalagayan. Ang komentaryo nga ng ilan, baka nakalimutan ng DPWH na ang titira sa bunkhouses ay mga tao at hindi hayop.

Gayunman para matapos na ang mga batikos, nangako si DPWH secretary Rogelio Singson na babaguhin ang disenyo ng bunkhouse at luluwagan na ito depende sa laki ng pamilya na maninirahan dito.

Pero, batay sa mga kumakalat na balita sa Tacloban City, kabado ang mga biktima ng Yolanda na nawalan ng bahay na baka hindi lahat sila mabigyan ng akomodasyon sa bunkhouses. May balita na kulang ang bunkhouse ng DPWH kaya ipapa-raffle daw ang bawat unit.

Makakabuting makipagdayalogo ang DPWH at DSWD sa mga biktima ng Yolanda. Tiyakin na mabibigyan lahat sila ng unit sa bunkhouses bilang pansamantalang tirahan at matapos ang dalawang taon ay makakalipat na sila sa permanenteng tahanan na ipagagawa rin ng gobyerno.

Lahat tayo ay nagnanais na makabangon ang mga kababa-yang sinalanta ng Yolanda at manumbalik ang kanilang normal na pamumuhay.

Magandang pagkakataon na rin dahil marami ang nakatutok sa kapakanan ng typhoon victims kaya napapansin agad ang kapalpakan at ito ay para sa ikakabuti ng mga kawawang biktima.

 

Show comments