Sunud-sunod ang isinasagawang pagsalakay o pag-atake ng mga riding in tandem na kriminal.
Nito lamang mga nakalipas na araw, ilang insidente ng pagpatay eh kinasasangkutan ng tandem.
Matindi ang operasyon at nakakaalarma na partikular nga sa Metro Manila.
Maging tauhan ng pulisya, biktima ng tandem na kriminal.
Kamakalawa nang pagbabarilin ng suspects na tandem si PO1 Aldrin Castro, 25, ng QCPD habang lulan ito sa kanyang motorsiklo dakong alas-4:10 ng madaling araw sa Taguig City.
Papasok sa trabaho ang pulis na dapat ay kasama sa naatasang magbigay seguridad sa pista sa Quiapo kahapon.
Matapos mabaril ang pulis kinuha pa ng mga suspect ang baril nito at maging ang motorsiklo.
Aba’y kung ganitong mga awtoridad na de armas at naka-uniporme ay nagagawan ng ganun ng mga tandem na kriminal paano pa ang mga sibilyan.
Bago pa magtapos ang maghapon kamakalawa rin, tandem din ang bumanat sa isang lady trader na si Arlene Garcia, 39, habang minamaneho nito ang kanyang van sa Libis, Quezon City.
Kamakalawa ng hapon binanatan din ng riding in tandem ang isang doktor sa Bilibid sa may Brgy. Putatan sa Muntinlupa City.
Hindi lamang sa kaso ng mga pagpatay dawit o patuloy sa pag-ooperate ang mga tandem na kriminal na ito, kundi maging sa mga holdapang nagaganap.
Dito naghihintay ng pag-aksyon buhat sa kapulisan ang ating mga kababayan.
Malaking hamon ito hindi lamang kay NCRPO director Carmelo Valmoria kundi sa buong puwersa ng PNP.
Matinding sistema o pamamaraan sa paglaban at patugaytay sa mga ito ang kailangang agad na maipatupad, upang hindi na mamayagpag ang mga tandem na kriminal at kawatan.