MAY outbreak ng tigdas sa Metro Manila at hindi dapat magwalambahala ang mga magulang sa sakit na ito. Pabakunahan ang mga bata para hindi magkaroon ng tigdas. Huwag nang hintayin pang mahawahan ang mga bata. Dalhin sa health center ang mga bata para mabakunahan. Sabi ng Department of Health (DOH) magsasagawa sila ng door-to-door vaccination sa siyam na lungsod sa Metro Manila para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon sa record ng DOH’s National Epideomology Center (NEC) mula Enero hanggang Disyembre 2013, 1,724 ang naitalang kaso ng tigdas at 21 ang namatay. Karamihan ng kaso ay naitala sa Metro Manila.
Ayon kay Dr. Willie Ong, sikat na kolumnista ng pahayagang ito, ang tigdas ay nakakahawang sakit ng mga bata na may edad ay anim na buwan hanggang 12 taon. Ang tigdas ay galing sa measles virus. Ang sintomas ng tigdas ay lagnat, sipon, ubo at kakaibang rashes sa buong katawan. Nag-uumpisa sa lagnat na tumitindi pagdating ng apat hanggang limang araw. Lalabas ang makapal na rashes mula sa mukha pababa sa buong katawan. Pagkalipas ng apat hanggang limang araw, mawawala na ang rashes at lagnat.
Puwedeng magka-komplikasyon ang may tigdas. Isa sa bawat 10 bata na may tigdas ay magkakaroon ng impeksyon sa tainga na puwedeng kumalat sa utak. Isa sa bawat 20 bata ay magkakaroon ng pulmonya, at isa sa bawat 500 bata ay namamatay dahil dito.
Bakuna ang pinaka-mabisang panlaban sa tigdas. Ito ay kasama sa MMR vaccine kung saan may panlaban sa measles, mumps at rubella. Pabakunahan ang mga sanggol at bata sa health center sa edad siyam na buwan at 15 buwan. Puwede nang bakunahan ang anim na buwan na sanggol.
Maging mapagmatyag o mapag-obserba ang mga magulang sa kanilang maliliit na anak para hindi mabiktima ng tigdas ang mga ito. Paigtingin pa ng DOH ang kampanya laban sa tigdas. Ipaunawa sa mga magulang ang mga dapat nilang gawin laban sa sakit.