65-anyos na lola, lumaban sa 3 holdaper gamit ang balisong, naaresto niya

KAHAPON, nalathala sa kolum na ito ang tungkol sa isang lola na lumaban sa dalawang magnanakaw na pumasok sa kanyang bahay. Eksperto pala sa paggamit ng palakol (tomahawk) ang lola at naaresto ang isa sa mga magnanakaw.

Ngayon, isa pang lola ang nagtagumpay makaraang lumaban sa tatlong holdaper na nagtangkang nakawan ang kanyang tindahan.

Nangyari ang insidente noong Nobyembre 2012. Abalang-abala si Trude Mian, 65, sa pag-aayos ng mga paninda sa store na nasa Braunton, Devon, England nang pumasok ang dalawang lalaki na nasa edad 25 hanggang 30 at matitipuno ang mga katawan.

Noong una raw ay nagkunwari na bibili ang tatlong lalaki at palakad-lakad sa loob ng store. Maya-maya ay naglabas na ng patalim ang isa sa mga lalaki at nag-anunsiyo ng holdap.

Nagulat ang mga tao sa inihayag ng lalaki. Walang nakakilos dahil sa takot.

Pero hindi natakot si Mian at naghintay nang tamang pagkakataon. Nang makita niyang ibinaba ng holdaper sa suwelo ang balisong, mabilis niya itong nadampot at iniumang sa lalaki mismo. Napaatras ang lalaki. Inundayan siya ng saksak ni Mian. Muntik na!

Dahil doon, nagtakbuhan ang mga kasama ng lalaki. Nang inakala ng lalaki, na mapapatay siya ng matanda, mabilis din siyang tumakbo palabas. Pero hinabol siya ni Mian ng saksak.

Eksakto namang dumaan ang nagpapatrulyang mga pulis at naaresto ang mga holdaper.

Isa sa mga holdaper ang nakilalang si Lee Prouse. Sinampahan sila ng kaso. Hindi sila umubra kay Lola.

Show comments