MAGTATATLONG linggo na ang nakalilipas mula nang mahulog sa skyway ang bus ng Don Mariano Transit Corp. na ikinamatay ng 18 pasahero pero hanggang ngayon, wala pa umanong natatanggap na tulong ang mga kaanak ng biktima mula sa kompanya ng bus. Ayon sa mga kaanak ng biktima wala silang nakakausap mula sa may-ari ng DMTC at nangangamba sila na makatakas sa responsibilidad ang nasabing bus company. Humihingi sila ng katarungan sa namatay nilang kaanak. Huwag naman daw magaya sa ibang kaso ang nangyaring malagim na pangyayari na nakalimutan na sa pagdaan ng panahon.
Nararapat namang kumilos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kasong ito. Sila ang nararapat na humahabol sa DMTC para puwersahing bayaran nito ang mga pasaherong namatay. Huwag nang patagalin pa ang pag-iimbestiga at agad nang sentensiyahan ang DMTC. Tanggalan na ng prankisa para tuluyang mawalis na ang mga bus nito sa kalsada. Kung hindi mawawalis ang mga bus ng DMTC, marami pang kawawang pasahero at pedestrians ang dadalhin nila sa hukay.
Ayon sa report, marami nang kasong kinasangkutan ang mga bus ng DMTC sa nakaraan. Mara-ming aksidenteng nangyari at nireklamo na ng mga pasahero dahil sa mapanganib na pagpapatakbo. Nakikipagkarera ang mga bus ng DMTC at nakikipag-agawan sa pasahero.
Marami naman ang nababahala na dahil sa mabagal na pagkilos ng LTFRB, makalimutan na ang mga kasalanan ng DMTC at muli silang makabalik sa kalsada. Hindi naman sana mangyari ang ganito. Iligtas ang mga pasahero sa DMTC!