EDITORYAL - May namatay na naman sa ‘ligaw na bala’

NAULIT na naman ang nangyari noong nakaraang taon. Isang bata na naman ang namatay dahil sa “ligaw na bala”. Hindi pa nahuhuli ang nagpaputok ng baril na nakapatay kay Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City ay eto na naman ang isa pang malagim na kaso dahil sa pagpapaputok ng baril.

Ang pinaka-bagong biktima ay isang lalaking sanggol na taga-Caoayan, Ilocos Sur. Nakilala ang biktima na si Von Alexander Llagas, tatlong buwan. Ayon sa ina ng bata na si Vanessa, nagluluto siya ng kakainin nila sa bagong taon, dakong 11:50 p.m. nang may marinig siyang bumagsak sa bubong ng kanilang bahay. At kasunod niyon ay ang pag-iyak ng kanyang anak na si Vona na noon ay katabi sa higaan ang kanyang amang si Valeriano. Tinamaan sa ulo ang sanggol. Dinala nila sa ospital sa Vigan, Ilocos Sur ang sanggol subalit namatay din makaraang ilipat sa isa pang ospital. Kasalukuyang iniimbestigahan ang pangyayari. Wala pang matukoy ang pulisya kung sino ang nagpaputok ng baril na umano’y nagmula sa kalibre .45.

Sa Metro Manila, 12 ang naitalang tinamaan ng “ligaw na bala” noong Disyembre 31 habang pinagdiriwang ang bagong taon. Isang batang babae ang tinamaan ng bala sa tuhod habang nanonood ng fireworks sa Maynila at isa ring batang babae sa Pasig ang tinamaan ng bala sa noo habang nakatayo at nanonood ng mga nagsisindi ng firecrackers.

Pawang mga bata ang nagiging biktima ng “ligaw na bala”. Wala silang kalaban-laban. Kahit na tahimik na natutulog sa loob ng bahay ay hinahabol ng bala.

Ang mabilis  na imbestigasyon sa pagkakapatay sa sanggol sa Ilocos Sur ay nararapat iprayoridad ng PNP. Hanapin ang nagpaputok ng baril at pagbayarin sa ginawa. Huwag naman sanang makalimutan ang pangyayari, kagaya ng pagkalimot sa nangyari kay Nicole Ella na namatay dahil sa pagpapaputok ng baril ng isang “walang konsensiya”.

Show comments