Mga gawi na dapat iwaksi (Part 1)

ANU-ANO ba ang maling pamamaraan ng paghawak ng pera kaya’t hindi makaipon at nababaon pa sa utang? Sa pagtatapos ng 2013, balikan natin ang nagdaang isang taon. Saan tayo nagtagumpay at saan nagkulang? Ngayong 2014, hangad ko para sa lahat ay magkaroon ng financial freedom. Mawalan ng mga utang, makaipon at makapagnegosyo.

Isa-isahin muna natin ang mga nakagisnang gawi na dapat iwaksi. Gabay ko ang aklat na sinulat nina Vic at Avelyn Garcia, ang “Kasusuweldo pa lang, ubos na?”

Kapag naggo-grocery tayo, walang listahan. Mas lalong napapalaki ang gastos kasi hindi natin alam kung mayroon pa ba tayo sa bahay ng mga stocks o wala na. Minsan nago-grocery tayo ng gutom kaya pati mga hindi kailangan napaparami ang kuha.

Gumagamit at namimihasa sa paggamit ng credit cards. Dapat ang credit card ay pamalit lang sa cash. Ang iba namimihasa na swipe nang swipe! Pag dumating ang billing napapakamot na lang.

Bumili base sa produkto at hindi lang sa tatak. Madalas kaya tayo napapamahal ay dahil branded pa ang mga gusto natin. Mayroon din naman talagang diperensiya sa kalidad pero kung kaunting diperensya lang, dun ka na sa hindi kilala na kalasa rin naman.

Mas madaling ihanda at lutuin, mas gusto nating bumibili ng processed na. Mga ready made na pagkain - de lata, tocino, hotdog, etc. Madali nga pero hindi kasing sustansiya at mas mahal pa.

Kapag kumakain tayo sa restaurant, umoorder pa ng appetizer at marami pang ibang pica-pica bukod pa sa main dish. Eh halos sabay din naman silang dumarating at minsan bago pa ilapag ang mains mo ay busog ka na.

 Mahilig tayong kumain ng baboy. E ang daming sakit na nakukuha mula sa pagkain nito. At mas mahal pa kaysa sa isda! Aba sa isda ka na, mas mura na masustansiya pa!

Malakas tayong gumamit ng maliliit na appliances pero malalakas kumunsumo ng kuryente. Tulad ng microwave. Kung maaari ka namang mag-init ng ulam sa kalan, doon ka na lang!

Napakarami nating subscriptions pero hindi naman natin nagagamit ang membership. Kunwari, ang cable -- hindi ka naman pala-TV o walang oras mag-TV, o kaya ang landline, halos hindi na rin nagagamit dahil may cell phone naman. Ipa-cut mo na!

Mahilig tayong mamili kapag sale kahit hindi naman natin kailangan dahil lang sale. Sayang din naman kasi - ang lagi nating rason sa sarili. Dating P500, P200 na lang ngayon. Nakamenos ka ng P300 pero gumastos ka pa rin ng P200!

 

Show comments