EDITORYAL - Salamat, SC
MARAMING napangiti sa ginawa ng Supreme Court (SC) dalawang araw bago sumapit ang Pasko. Nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang SC na nag-uutos sa Meralco na itigil ang pagtataas ng singil sa kuryente. Nasa P4.15 per kilowatt hour (kWh) ang itataas ng Meralco na magsisimula ngayong Disyembre. Tatagal ang kautusan ng SC ng tatlong buwan o 60 araw. Ibig sabihin, hanggang Marso ay walang mangyayaring dagdag singil sa kuryente. Inatasan ng SC ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Meralco na idepensa ang kanilang pagtataas ng singil. Naka-schedule ang oral argument sa Enero 21, 2014.
Ang aksiyon ng SC sa pagtataas ng singil ng Meralco ay dahil sa mga petisyon ng mga mambabatas na pinangungunahan ni Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate; Gabriela Women’s Party Reps. Luz Ilagan at Emmi de Jesus; Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Teddy Ridon. Bukod sa mga nabanggit na mambabatas, naghain din ng petisyon ang National Association of Electricity Consumers for Reform (NASECORE). Ayon sa mga petitioner umabuso ang ERC nang payagan ang Meralco na magtaas ng singil. Dapat daw dumaan sa public hearing ang anumang gagawing pagtataas dahil nakasaad ito sa Electric Power Industry Report Act (EPIRA). Kung hindi nagpetisyon ang mga nabanggit na mambabatas at grupo, patuloy na sa pagsingil ang Meralco. Balak hatiin sa apat na bigay (staggered basis) ang dagdag na singil na mag-uumpisa na ngayong Disyembre.
Marami ang napangiti at nakahinga nang maluwag sa ginawa ng SC. Napakaagang gift sa mamamayan lalo na sa mga nabiktima ng kalamidad sa Eastern Visayas at Bohol. Hindi pa sila nakakabangon mula sa pananalasa ng bagyo at lindol ay panibagong pasanin na naman ang kinakaharap.
Nararapat namang kastiguhin ang ERC kung bakit mabilis na binigyan ng pahintulot ang Meralco na makapagtaas. Bago magtaas ng singil, dapat dumaan sa kunsultasyon sa publiko. Hindi maaaring agad-agad ay itaas ang singil sa kuryente.
- Latest