Uok (13)

P ATULOY sa pagkukuwento si Tiyo Ilumi­nado tungkol kay Uok at sa mga sinira nitong tahanan. Halatang totoo ang sina­sabi ni Tiyo Iluminado dahil seryosong-seryoso sa pagkukuwento. Halata rin na galit kay Uok si Tiyo Iluminado. Nakikinig naman nang ayos si Drew. Nasasabik siya sa kuwento ng “maninira” na si Uok.

“Merong isang pangyayari rito na hindi malilimutan ng mga tao. Lubhang nagalit ang mga taga-rito. Nagpakamatay ang asawa ng babaing “pinakialaman” ni Uok.”

“Paanong nagpakamatay, Tiyo?”

“Nagbigti.’’

“Dahil sa sobrang pagkapahiya, Tiyo?”

“Oo. Hindi niya matanggap na ang kanyang asawa ay makikipagrelasyon kay Uok.’’

“Nahuli rin sa akto sina Uok at asawa ng lalaki?”

“Oo. Huling-huling magkapatong at hubu’t hubad. Sa kuwarto pa inabot. Sa tindi ng sama ng loob, nagbigti ang lalaki. Natagpuan na nakabitin sa punong kaymito.’’

Napa-tsk-tsk si Drew.

“Napaka-walanghiya pala ni Uok. Mayroon na palang namatay dahil sa kanyang gina­gawang pang-aagaw sa may asawa ng iba.’’

“Sobrang walanghiya ta­laga. At gusto talaga ay may asawa. Para bang tsina-challenge ang sarili na kayang paibigin kahit may asawa.’’

“Ano pa ang nangyari sa nagbigti, Tiyo Iluminado?”

“E di ganun, nagbigti na nga ang lalaki. Biglang ku­malat ang balita na kaya pala nagbigti ang lalaki ay dahil kaibigan pala siyang matalik ni Uok. May nakapagkuwento na noon pa raw magkaibigan si Uok at ang lalaking pinindeho niya. Hindi na siya kinilabutan na aswangin ang asawa ng kaibigan.’’

“Sobra palang walang­hiya. Siguro kinakarma na siya ngayon.’’

“Siguro nga. Hindi siya makaparito dahil may nagbabanta sa kanya.’’

“Mabuti naman at nakakapunta rito ang anak niyang babae. Mabuti at walang nagpapakita ng yamot sa babae.”

“Wala naman. At saka hindi naman nila alam na anak ni Uok ang babae diyan sa kabila. Ako lang ang nakakaalam.”

Napatango na lang si Drew.

 

KINABUKASAN ng umaga, maagang gumising si Drew. Alas sais pa lang, pasilip-silip na siya sa bintana at tinatanaw kung may naliligo sa batalan.

Nang mag-alas siyete, nakita niya ang babae. Maliligo na!

Kinuha ni Drew ang kanyang cell phone. Atubili siya kung kukunan o hindi ng picture ang babaing naliligo.

(Itutuloy)

 

Show comments