DAGSAAN at siksikan na sa mga terminal at pantalan. Ang mga pasahero, nag-uunahan nang makasakay at makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Mapakaliwa’t kanan, harapan, likuran at tagiliran, nagÂkalat ang mga nakahambalang na bagahe habang abala sila sa paghihintayÂ.
Sa ganitong mga senaryo, naglipana rin ang mga kawatan at masasamang-loob. Naghahanap ng oportunidad para makaÂdekwat at makasalisi sa mga pobreng pasahero.
Taon-taon, hindi nawawala ang insidente ng mga nakawan at petty crimes sa mga terminal at pantalan.
Ang estilo ng mga kolokoy, makikihalo sila sa karamihan. Malikot ang kanilang mga mata. Pinag-aaralan ang bawat kilos ng target na dudukutan at bibiktimahin.
Oras na makalingat ang kanilang puntirya, simbilis ng kidlat, na isasagawa nila ang modus. Ang walang kaalam-alam na pasahero, nadukutan na hindi namamalayan.
Hindi na bago ang ganitong mga insidente kapag mga holiday season kung saan karamihan sa mga residente sa lungsod, nag-uunahan at nagmamadaling umuwi sa kanilang mga kaanak sa probinsya.
Pinapaalalahanan ang mga biyahero na uuwi para magdiwang ng Pasko sa probinsya, maging alerto sa inyong kapaligiran. Maging paladuda sa mga lumalapit at umaaligid sa inyo lalo na kapag marami kayong mga bagahe.
Sa kapal ng taong nagdadatingan, mayroon at mayroon diyang pakawala o ’di naman kaya nagpapanggap lang na pasahero.
Dahil mabilis at organisado silang kumilos at umeskapo sa lugar, napakaliit na ng tsansa na marekober pa ang mga nawala ninyong kagamitan.
Tandaan, hindi garantiya ang mga gwardya at nakakabit na mga closed-circuit teleÂvision camera na ligtas na kayo sa mga masasamang-loob at kawatan.