EDITORYAL - Ireporma ang Bureau of Customs

BAGO na ang hepe ng Bureau of Customs. Mayroon nang magpapasan nang iniwang trabaho ni dating Customs chief Ruffy Biazon. Ang ipinalit kay Biazon ay si John Philip Sevilla, dating undersecretary ng Privatization Group and Corporate Affairs ng Department of Finance. Nag-aral siya ng Economics and Government sa Cornell University at may Master’s Degree in Public Affairs sa Princeton University.

Nakaharap sa malaki at mabigat na pasanin si Sevilla. Ang mga hindi nagampanan ni Biazon ay kaila-ngang gawin niya at higitan pa ang mga nagawa nito. Kung hindi gagawa nang mga pagbabago o reporma sa Customs si Sevilla, maaaring mapintasan din siya gaya ni Biazon. Nakatikim nang mga masasakit na salita si Biazon mula kay President Aquino nang magtalumpati sa kanyang SONA noong nakaraang Hulyo. Hayagang sinabi ng Presidente na saan daw kumukuha ng kapal ng mukha ang mga taga-Customs. Talamak ang smuggling sa bansa at walang magawa ang Customs kundi hayaan ang pagpasok ng kung anu-anong produkto – bigas, bawang, sibuyas, karne, motorsiklo, kotse at ang matindi, pati droga. Hindi naitago ng Presidente ang inis sa Customs. Hindi lang niya maderetsa na magbitiw na ang hepe ng Customs.
Sa aming paniwala, napakalaki ng tiwala ni Aquino kay Sevilla at nararapat lamang na hindi ito sayangin. Ipakita ni Sevilla na kaya niyang lipulin ang mga matatakaw na buwaya sa Customs. Ang mga buwaya ang kakutsaba ng smugglers kaya malayang nakakapagpasok ng epektos. Imposibleng walang kakutsaba ang mga smugglers sa loob ng Customs.

Ipakita at gamitin ni Sevilla ang “kamay na bakal” laban sa mga “buwaya”. Agad magsagawa ng reporma si Sevilla para masiyahan ang taumbayan at nang hindi na makapagbitaw nang masasakit na salita ang Presidente.

 

Show comments