Shabu sa bahay ng bgy. chairwoman

GINIGIIT ni Bgy. chairwoman Guia Gomez-Castro na “planted” ang shabu na nakumpiska ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bahay n’ya sa Sampaloc, Manila. Ni-raid kasi ng NBI ang bahay ni Castro sa Simon St., Sampaloc kamakailan at nakumpiska ang aabot sa P2.5 milyon halaga ng shabu at mga high-powered firearms. Sinabi ng mga kapitbahay na ang may-ari ng na-raid na malaking bahay ay si Castro talaga. Sinabi ng mga kosa ko na sumipot si Castro sa isang breakfast meeting ni dating Manila Mayor Alfredo Lim kung saan sinabi niya na “planted” ang shabu at ang mga high-powered firearms naman ay nakasangla sa kaniya. Bago pa kasi ang election noong Mayo, kumalat na ang balitang sangkot sa droga itong si Castro at sa katunayan humaharap ito ng kaso tungkol sa illegal drugs sa Quezon City subalit hindi ito pinaniwalaan ni Lim. Ewan ko sa ngayon kung naniwala na si Lim sa akusasyon na ito dahil sa raid ng NBI. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Ayon pa kay Castro, politically motivated itong raid sa kanyang bahay kasi nga sumulpot sa lugar mismo itong si Manila Mayor Erap Estrada. Noong nakaraang election kasi, tumakbo si Castro sa pagka-councilor sa tiket ni Lim. At matatandaan n’yo nga mga kosa na sa kasagsagan ng kampanya, binato ang campaign sortie nina Erap at Vice Mayor Isko Moreno sa Sampaloc at ang kampo ni Castro ang pinaghinalaang may kagagawan nito. Kaya politically-motivated ang NBI raid, ayon pa kay Castro. Mismo!

Matapos matalo sa pagka-konsehal, tumakbo bilang barangay chairwoman si Castro at nanalo. Ang balak ni Castro ay tumakbo sa Liga ng mga Barangay at kapag nanalo, para na rin siyang konsehal ng Maynila. Nangako pa si Castro na magpakalat ng tig-P15,000 kada chairman para lang maiboto siya at presto... konsehal na rin siya. Subalit dahil sa NBI raid, mukhang nagbago ang klima sa kampo ni Castro at ang huling balita sa Sampaloc, hindi na siya tatakbo sa Liga. Hehehe! Mahihirapan siyang magpaliwanag sa pagkasangkot niya sa droga, di ba mga kosa?

Sinabi naman ni Atty. Rose Jonathan Galcia, Reaction, Arrest and Interdiction Division ng NBI, na halos limang taon nilang nirepaso ang raid sa bahay ni Castro. Magandang break daw ang hinintay nila bago isagawa ang raid kung saan nakasamsam ng 500 grams na shabu. Pero kung si Castro mismo ang target ng NBI, nagtataka ang mga kausap ko dahil bakit wala siya sa bahay ng isagawa ang raid? Kasi nga mga kosa, dapat antayin ng NBI agents na nakorner talaga ang target nila na si Castro bago isagawa ang raid at d’yan masasabi kong matagumpay ang raid nila. Eh ang nahuli ay ang dalawang katulong lang, kaya sa tingin ng mga kosa ko, magaan na kaso lang ang ipapataw kay Castro samantalang ang mga katulong ang malilintikan dito. ‘Ika nga, madaling makapag-bail si Castro kung ano pa man ang ikakaso sa kanya? Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang raket lang ‘yan!

May nakuha rin ang NBI agents na gadgets na nagpapatunay na sangkot sa operation ng bookies ng karera ang kapatid ni Castro na si Jeff. Para sa kaalaman ni Erap, tuloy naman ang bookies ni Jeff, na ayon sa mga kosa ko ay front lang ng bentahan ng droga. Sino ang padrino ni Jeff?  Si Chief Insp. Bernabe Erinco kaya ng MASA o si Insp. Arnold Sandoval ng SOG ng City Hall? ‘Yan ang dapat arukin ni Erap. Abangan!

 

Show comments