EDITORYAL - Mabigat na parusa sa mamamayan

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre, lumabas na 3.9 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom. Nakadidismaya ang ganito sapag-  kat lagi namang sinasabi ng gobyerno na gumaganda na ang ekonomiya ng bansa. At kapag sinabing maganda ang ekonomiya, para bang mahirap paniwalaan na mayroon pang makakaranas ng gutom.

Ngayong last quarter ng taon hindi na nakapagtataka kung ang lumabas sa survey ay marami na namang nagutom sa nakaraang tatlong buwan. Tiyak na may magsasabing nakaranas sila nang matinding gutom at baka mas mataas pa sa 3.9 milyon. Baka umabot sa 4 milyon o mahigit pa dahil sa epekto ng mga naranasang kalamidad sa bansa.

Sa last quarter ng taon nangyari ang malakas na lindol sa Bohol, kaguluhan sa Zamboanga at pananalasa ng Super Typhoon na si Yolanda na ang namatay ay umabot na sa 5,680 at marami pang nawawala. Marami sa mga biktima ng Yolanda ay nag-alisan sa Tacloban at nagtungo sa Cebu at ang iba ay sa Maynila.

Iisa lamang ang epekto ng mga nangyari sa mahihirap na mamamayan:  Lalo pang paghihikahos at matinding gutom. Darami pa ang hindi na masasayaran ng pagkain ang kanilang bituka.

Para namang nananadya na kung kailan dumanas ng kalamidad ang bansa ay saka naman nagpahayag na tataas ang singil sa kuryente, LPG at pati na ang gasolina. Lalong makukuba ang mahihirap sa mga bayarin.

Sabi ng Meralco, P3 per kilowatt hour ang idadag­dag nila sa singil. Magtatagal daw hanggang Enero ang mataas na singil. Ayon naman sa ibang report, ipapapasan daw sa mamamayan ang singil dahil sa nangyaring pagkasira ng mga poste at linya ng kuryente sa Visayas Region. Nagbanta naman ang transport groups na magtataas sila ng pasahe sa jeepney. Humihirit sila ng 50 sentimos.

Makaisip naman sana ng paraan ang pamahalaan para mapagaan ang pasanin ng mamamayan. Sobra na ang pabigat sa kanilang nagsusugat na balikat.

 

Show comments