Lampong (491)

ISANG malawakang kampanya sa pagta­tanim ng Uloy tree ang isinagawa sa barangay na laging nalulubog sa baha. Si Dick ang namuno at nagturo sa mga tao sa tamang pagtatanim ng Uloy. Madali lang itanim ang mga seedling at madaling mabuhay. Hindi na ka­ilangang diligan sapagkat ang lupang tataniman na malapit sa pampang ng ilog o sapa ay may tubig nang bumubukal. Ito ang dahilan kaya bihira sa mga Uloy ang nama­matay kahit pa itanim sa tag-araw.

Madali lang magbunga ang Uloy, mga tatlong taon lang ay namumulaklak na at kasunod na ang bunga.

Habang pinagmamasdan ni Dick ang mga taong nagtatanim ng Uloy tree ay nasisiyahan siya. Mabuti naman at madaling turuan ang mga tao. Wala nang bumabatikos pa at kung anu-anong mga masasakit  na salita laban sa kampanya ng pagtatanim ng Uloy. Siguro’y dahil ayaw nilang maulit ang nangyaring delubyo sa kanilang lugar kung saan ay umapaw ang sapat at maraming bahay ang inanod. Paano’y wala nang kahoy sa mga pampang kaya madaling tumaas ang tubig. Kung may mga kahoy na pumuprotekta sa tabing pampang, baka napigilan ang pagbaha at walang napinsalang bahay.

Hanggang sa matapos nang taniman ng mga Uloy ang mga pampang ng sapa at ilog.

Sabi ni Dick sa mga tao, hindi na kakabahan ang mga ito tuwing uulan dahil maiiwasan na ang pagbaha.

Nagpasalamat ang mga tao sa ginagawang pagtulong ni Dick.

Minsang nagle-lecture si Dick sa mga tao ay isang lalaki ang nagtanong.

“Sir Dick, puwede po bang ituro mo sa amin kung paano makakagawa nang maraming anak? Kami po ay maraming taon nang kasal pero wala pong anak. Ano pong tip Sir Dick?”

Nabigla si Dick. Pero nakaisip ng isasagot.

“Uloy lang po. Uloy lang,” sabi niya.

(Itutuloy)

Show comments