NAKALAYA ang Jordanian TV journalist na si Baker Atyani makaraang bihagin ng Abu Sayyaf sa loob ng 18 buwan. Ayon kay Atyani, nakatakas siya sa nagbabantay sa kanya nang malingat ito. Nagtatakbo umano siya sa kakahuyan hanggang sa makaraÂting sa tabing dagat at nakahingi ng tulong sa isang lalaki. Dalawang beses na umano siyang nagtangkang tumakas pero lagi siyang nahuhuli ng mga bumihag sa kanya. Si Atyani, kasama ang dalawang Pinoy cameramen ay dinukot noong Hunyo 12, 2012 sa Sulu. Beteranong mamamahayag si Atyani na sumikat ang pangalan makaraang interbyuhin si Al-Qaida leader Osama bin Laden bago ang Set. 11, 2000 attack sa New York. Nagtungo sa Sulu si Atyani para interbyuhin ang mga leader ng Abu Sayyaf pero kinidnap siya ng mga ito. Ang dalawang Pinoy na kasama niya ay agad namang pinalaya makaraan ang ilang araw na pagkakabihag.
Malaya na si Atyani subalit hindi pa tapos ang problema sapagkat dalawa pang babaing dayuhan ang bihag ng Abu Sayyaf. Noong Hunyo 22, 2013, binihag ang magkapatid na sina Nadjoua at Linda Bansil habang nakasakay sa isang jeepney sa Jolo, Sulu. Nagsasagawa ng isang documentary film ang magkapatid nang maganap ang pangingidnap. Ang magkapatid ay nanalo na sa Gawad Urian dahil sa kanilang ginawang short film ukol sa mga batang Badjao.
Hanggang sa kasalukuyan wala pang balita sa dalawaÂ. Noong Hulyo nanawagan ang mga ulama (Arabic scholars) sa Sulu officials na hanapin ang magkapatid.
Hanggang kailan ang pangingidnap ng Abu Sayyaf? Sumuko na ba ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sayyaf at tila tumamlay na ang pakikipagÂlaban sa mga ito. Maaaring sa mga susunod na araw o buwan ay mayroon na namang kikidnapin ang Sayyaf. Wala na silang kinatatakutan.