Wala talagang kadala-dala ang ilan nating mga kababayan na nasasangkot o nagpapagamit sa mga sindikato ng ilegal na droga.
Marahil eh talagang nasisilaw sa alok na bayad sa kanilang pagiging courier sa kung saan-saang lugar o bansa.
Kamakalawa lamang, isang 25-anyos na OFW ang nasabat ng mga tauhan ng PDEA at Customs sa Terminal 1 ng NAIA.
Ito ay makaraang mahulihan siya ng may P10 milyong halaga ng liquid cocaine.
Galing Qatar si Mary Joy Soriano, na tubong-Quirino Province nang masabat ng mga awtoridad.
Nakalagay sa lalagyan ng shampoo ang mga liquid cocaine.
Aba’y ito na umano ngayon ang bagong modus ng drug syndicate, dahil mukhang mas madali yata itong maipuslit.
Katwiran ng nadakip na Pinay, hindi sa kanya ang nakuhang bagahe na may droga.
Pero hindi ito kinagat ng mga awtoridad dahil sa impormasyon na nanggaling na rin sa Dubai, at iba pang drug hotspots tulad ng Hong Kong, Macau, Thailand at Brazil ang nadakip bago ito magtungo sa Doha, Qatar at umuwi sa Pinas na dito na nasabat sa kanya ang liquid cocaine na pinaniniwalaang aabot sa dalawang kilo.
May report pa na minamanmanan na rin ng US Drugs Enforcement Agency ang Pinay.
Marami rin naman sa ating mga kababayan ang talagang nabibiktima na rin dahil sa sobrang pagtitiwala.
Yung mga ‘paki-padala’, madalas na ok lang sa isang OFW na hindi naman niya bineberipika kung ano ang laman ng bagahe. Pakikisama raw kasi.
Ang hindi niya alam, nasa panganib na siya dahil ilegal na kontrabando pala ang kanilang dala.
Pero talagang may nagaÂgamit talaga ang sindikato, hanggang sa dumarating pa nga sa punto na pinapalunok sa kanila ang mga droga na ipapasok nila sa ibang bansa.
Marami na tayong mga kababayan ang naging ganyan ang kapalaran at napahamak, sana ay matuto na sa mga leksyon o kaganapan ng nagdaan.