KASAMA si Customs comÂÂmissioner Ruffy BiaÂzon sa ikalawang batch na sinampahang NBI at DOJ ng kasong katiwalian sa Ombudsman ka ugnay sa pork barrel scam. Ayon kay Communications SecÂretary Sonny Coloma ay nasa kamay na ni Biazon kung magbibitiw ito sa puwesto.
Inakusahan si Biazon ng katiwalian at paglustay sa kanyang PDAF noong kongresista siya ng Muntinlupa.
Kahit pa sabihing naihain pa lang ito sa Ombudsman at wala pang desisyon na iakyat sa sandiganbayan, dapat nang ikonsidera ni Biazon ang magbitiw dahil makakaapekto ito sa kanyang kredibilidad bilang Customs chief.
Hindi maganda na may batik ang pinuno ng Customs dahil ang ahensiya ay matagal nang kilalang corrupt. Hindi siya makapagpapatupad ng reporma dahil siya mismo ay may kinakaharap na kahalintulad ng kaso.
Tatlong taon nang Customs chief si Biazon pero talamak pa rin ang smuggling at corruption sa ahensiya.
Maghain na siya ng irrevocable resignation upang hindi na madamay pa si P-Noy sa mga banat ng kritiko na nabibigyan ng espesyal na trato ang mga kaibigan, kaklase at kabarilan. Hindi na kailangang pang idaan ni Biazon ang resignation sa pamamagitan ng text messages. Hahangaan ko si Biazon kung hindi siya magkakapit-tuko sa puwesto.
Malabong si P-Noy ang kusang magtanggal kay Biazon dahil kilala itong mabait sa kaibigan. Mahihiya ito na siya mismo ang sumibak at sa halip ay ipagtatanggol pa sa mga kritiko.
Abangan kung magbibitiw si Biazon at ipapangalandakan niya sa sambayanan na mayroon siyang delicadesa at hindi kapit-tuko sa puwesto.