MAYROON akong mga payo para pangalagaan ang balat ng beybi at ng bata. Huwag nating hayaang masira ang kutis nila dahil sa ating kapabayaan.
1. Huwag ibilad si beybi sa matinding sikat ng araw. Tayong mga Pinoy ay may maling paniniwala na dapat ibilad ang beybi sa araw. Masama ito. Ang balat ng beybi ay kulang sa melanin, isang bagay na nagpro-protekta sa balat ni beybi mula sa sikat ng araw. Dahil kulang si beybi sa melanin, madali siyang ma-sunburn, at masira ang balat. Ilayo si beybi sa araw mula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. Puwede namang ilagay si beybi sa maliwanag na lugar (huwag lang derekta sa araw) at makukuha na niya ang benepisyo ng araw.
2. Ingatan ang mata ni beybi sa sikat ng araw. Kapag hinarap si beybi sa araw, puwedeng masira at masunog ang loob ng mata ni beybi. Kung ang matatanda ay bawal tumingin sa sikat ng araw, ano pa kaya si beybi na maselan ang kondisyon? Subukang ipasuot si beybi ng sunglasses at sombrero kapag siya’y ilalabas ng bahay.
3. Gumamit ng baby soap at baby shampoo para kay beybi. Mas banayad (mild) ang mga sangkap nito. Isang paalala pa: Huwag pagpapalitin ang paggamit ng sabon at shampoo. Ang baby soap ay para lang sa katawan ni beybi at ang baby shampoo naman ay para lang sa buhok. Iba ang pH (timpla) ng sabon at shampoo.
4. Payo habang nagpapaligo: Paliguan si beybi ng maligamgam na tubig para hindi siya ginawin. Ilagay ang lahat ng gamit na pampaligo sa tabi ng palanggana ni beybi. Tanggalin din ang iyong alahas para hindi masugatan si beybi. Huwag na huwag iwanan si beybi kahit sandali. Baka siya mahulog at maaksidente.
5. Kapag dry ang balat ni beybi, pahiran ito ng lotion.
6. Pumili ng damit na maluwag at gawa sa cotton. Ito’y para hindi maipit ang balat ni beybi at magdulot pa ng rashes sa bandang singit, leeg at kilikili.
7. Sa mga kasama ni beybi sa bahay, iwasan ang paghawak at paghalik kay beybi. Lalo na kung marumi ang iyong kamay o mukha. Huwag ding subuan si beybi ng kung anu-ano. Kapag marumi ang kamay ng nagsusubo kay beybi, puwede siyang magtae at magkaroon ng bulate. Mahalin si beybi sa tamang paraan. Linisin ang kamay at kapaligiran para laging ligtas si beybi.