HINDI dapat magpadalus-dalos ang mga tagahanga ni Manny Pacquiao kaugnay ng paghahabol dito ng BIR. Nagsisilbing kontrabida ang BIR sa paningin ng publiko at lumilitaw na ginigipit ng gobyerno ang people’s champ.
Dapat ay maging kalmado lang ang lahat at hayaan ang magkabilang panig dahil may punto naman ang mga ito at hindi dapat husgahan ang sinuman.
Sa panig ng BIR, tungkulin nito na kumolekta ng buwis at tiyakin na nakapagbabayad ang lahat ng tamang buwis mula sa kanilang kinikita.
Naniniwala akong may basehan ang BIR kaya hinahabol si Pacquiao. Kung wala namang pagkukulang si Pacquiao wala itong dapat ikatakot.
Simple lang ang hinihingi ng BIR. Kailangang isumite ang dokumento na katunayang nagbayad ng tamang buwis si Pacquiao. Ilantad naman ni Pacquiao ang mga dokumento para matapos na ang kontrobersiya.
Maraming bumabatikos kay BIR commissioner Kim Henares dahil wala raw sa tiyempo ang paghahabol kay Pacquiao dahil kakatapos lang ng laban nito.
Maaring nabuo ang hinala na ginigipit ng BIR si Pacquiao dahil sa tono ng pananalita ni Henares na parang mataray at maangas. E, ganito naman talaga ang pagsasalita ni Henares na parang laging galit. Kung iintindihing mabuti ang sinabi ni Henares, may punto siya at may pinagbabasehan.
Maging kalmado ang lahat at huwag kalimutan ang ambag na karangalan ni Pacquiao sa bansa. Batay sa report, naloko umano si Pacquiao ng mga nakapaligid sa kanya dahil walang mataas na pinag-aralan. Dapat alalayan siya ng gobyerno.
Kung may buwis na hindi nabayaran si Pacquiao, dapat lang habulin at pagbayarin ng NBI pero sa maayos na pamamaraan bilang courtesy na rin sa pagiging pambansang kamao.