Papasok na ang buwan ng Disyembre na ito ang tiniÂtiyempuhan ng maraming dorobo at kawatan.
Magiging iba-iba ang modus ng mga ito, na dapat pag-ingatan ng ating mga kababayan, baka kayo ang maging una o kasama sa mga mabibiktima ng mga ito.
Ang ganitong mga panahon ang sinasamantala ng maraming dorobo para makapanloko.
Sa pamimili, isiping mabuti kung saan kayo mamimili.
O hindi nga ba’t nabunyag na ang ginagawang panlilinlang ng ilang vendors sa ilang pangunahing pamilihan sa Maynila, lalo na ang mga nasa bangketa.
Hindi natin nilalahat, pero marami dyan ang may ‘magic timbangan’,
Hindi bale sana kung parami sa timbang ang inyong bibilhin, ang modus ng maraming manggagantso dito ay kulang sa timbang ang kanilang mga timbangan.
Hindi lang guhit-guhit ang kulang ha, simula sa 1/4 hanggang sa kalahati.
Ganito na ang modus ng marami ngayon lalu’t nalalapit na ang holiday season kung saan busy ang marami nating kababayan sa pagsa-shopping at maagang pamimili.
Iisipin mong mamili sa bangketa dahil mura, aba’y magdalawang isip ka, baka nga mura, pero ang hindi mo alam ay namomodus ka na.
Hindi lang sa pandaraya sa timbang dapat mag-ingat ang mga mamimili.
May modus din dyan na papalitan ang inyong pera. Dapat mabilis ang inyong mata, nakatutokÂ.
Kung magbibigay ka ng medyo malaking bill, dapat tandaan mo kahit ang apat o tatlong huling numero ng pera ninyo.
Naku, marami din dyang salamangkero, ang P100 ninyong ibinayad pwede nilang sabihing, P50 0 P20 lang at ikaw pa ang kulang.
Maghahanap pa yan ng kakuntsabang testigo na magpapatunay umano sa kanilang alegasyon kaya ikaw naman, magbibigay pa ng dagdag na bayad.
Hindi mo alam ang katabi mong kunwaring namimili kuno ay kanilang kasabwat.
Ingat din sa mga siksikan, baka kayo masalisihan, dukot ang babagsakan.
Kailangan sa mga mamimili ngayon ang matinding pag-iingat, dahil baka imbes na makamura ka, eh baka lalo ka pang mapamahal kapag nabiktima ka ng ganitong mga modus ng mga dorobo at kawatan.