Lampong (478)

“TUMAKBO tayo pa­lapit sa pulis pero mag­kukubli tayo sa punong Uloy para hindi tayo makita ng hayop na si Rey. Mukhang naghuhuramentado na kaya dapat tayong mag-ingat,” sabi ni Dick.

“Sige Ninong. Kokoberan kita. Ako ang mauuna.’’

“Okey, sige pagbilang ko ng tatlo, takbo na tayo. Isa…dalawa… tatlo!’’

Tumakbo sila at nagpa­kubli-kubli sa punong Uloy. Hanggang sa makalapit sa sugatang pulis na nasa ilalim ng puno.

‘‘SPO4, saan ang tama ni PO1?’’ tanong ni Dick.

‘‘Sa tiyan. Sumasargo ang dugo. Baka maubusan na siya!’’

‘‘Kami na ang bahala rito. Sundan mo ang hayop na si Rey. Delikado pala ang taong yun.’’

“Nasa itaas pa siya ng puno. Hindi ako makalapit dahil tina­target ako. Hindi ko naman makita ang kinaroroonan. Pero kapag natiyempuhan ko siya, parang ibon siyang malalaglag.’’

“Ikaw na ang bahala sa kanya SPO4. ’Yang mga ganyang klaseng tao ay hindi na binubuhay.’’

“Sige, susugurin ko na. Ma­lapit nang dumating ang mga kasamahan namin. Mga SWAT ang darating.’’

“Mabuti para matapos na ang gulong ito.’’

Inihanda ni SPO4 ang sarili at pagkaraan ay umalis at buong tapang na hinarap ang rapist na si Rey.

Agad namang inasikaso ni Dick at Mulong ang sugatang si PO1. Patuloy ang pagdaloy ng dugo sa tiyan. Namumutla na si PO1. Nanginginig na ang katawan dahil nauubusan na ng dugo.

“Anong gagawin natin, Ninong?’’ tanong ni Mulong habang hawak ang kamay ni PO1.

“Balatan mo ang katawan ng punong Uloy, Mulong.’’

“Opo Ninong,’’ inilabas ni Mulong ang kanyang maliit na itak na nasa baywang.

Binalatan ni Mulong. Lumabas ang maputing laman ng puno.

‘‘Kayurin mo ang balat. Itatapal natin ang makakayod mo.’’

Ginawa ni Mulong. Kinayod niya ng itak ang ma­puting balat ng puno. Habang nagkakayod si Mulong, pinunit ni Dick ang kanyang damit para gawing tali sa sugat.

Maraming nakayod si Mulong. Isang dakot na animo’y ginadgad na keso.

“Itapal mo sa sugat, Mulong­.’’

Itinapal ni Mulong. Napa­kislot si PO1 dahil marahil sa antak ng itinapal na balat ng Uloy. Pagkaraan ay tinalian ni Dick ang bahaging may tapal.

Sa pagtataka ni Mulong ay naampat ang pagdaloy ng dugo sa sugat ni PO1. Nawala rin ang panginginig at ang pamumutla.

Nakahinga nang maluwag si Dick.

(Itutuloy)

Show comments